Charity scams, talamak din ngayong holiday season
@Editorial | December 22, 2023
Talagang namamayagpag ang iba’t ibang uri ng scam ngayong holiday season. Tila may hinahabol na quota ang mga scammer at hindi nauubusan ng paraan kung paano makapanloloko.
Sa pagkakataong ito, muling nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na huwag magpapaloko sa mga nagpapanggap na charity scam.
Paalala ng ahensya na kung sakaling may manghihingi ng monetary donations, ugaliing tanungin, alamin at itsek ang website o kung saan gagamitin ang hinihinging donasyon.
Hindi sa nag-aalangan tayo sa pagtulong kundi nais lang nating matiyak na mapupunta sa mga totoong nangangailangan ang tulong at hindi sa mga mapagsamantala at walang konsensya.
Kapag nabuking na ang modus, pagkakataon naman ng kinauukulan na hulihin at kasuhan ang mga sangkot sa scam. Kung puwedeng ilantad ang pagmumukha sa publiko ay gawin na para madala at ‘di na pamarisan.
Bukod dito, patuloy din ang paalala sa lahat na ingatang makumpromiso ang mga personal data ng bank account at credit card lalo ngayong nagkakabigayan na ng bonus.
Huwag i-click o pindutin ang link ng mga kahina-hinalang email at text message, at iwasan ding ilagay ang personal o bank account information.
Kung sakaling mabiktima o makumpromiso ang account, ipagbigay-alam agad sa mga otoridad at sa BSP upang mabigyan ng kaukulang mga aksyon.
Sa panahon ngayon na umaangat ang diskarte ng mga kriminal, kailangan nating maging mas wais para ‘di mabiktima.



Comments