Chargers, ipaparada ang Twin Towers sa PVL Open
- BULGAR
- Jan 18, 2023
- 1 min read
ni Gerard Arce @Sports | January 18, 2023

Ipinarada ng Akari Power Chargers ang mga bagong hugot sa free agency na kanilang binansagang “Twin Towers” na sina national team member Aleona Denise “Dindin” Santiago-Manabat at dating UST Golden Tigresses Camille Victoria na nagsimulang magpakitang-gilas sa outdoor training nitong Sabado ng umaga bilang paghahanda sa ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Pebrero.
Sa isang post ng Chargers, puspusan ang pagsalo at pagpalo ng bola nina Santiago-Manabat at Victoria na kapwa baguhan sa koponan matapos tapikin sa free agency at rookie year sa professional league.
Nagtapos ang kontrata ng 6-foot-2 na wing spiker at middle blocker na si Santiago-Manabat sa Chery Tiggo Crossovers, habang nagdesisyong pumasok ng pro league si Victoria na hindi ipinagpatuloy ang huling taon sa collegiate league para sa 85th UAAP women’s volleyball tournament. “Twas a fun Saturday morning with our new towers, Dindin and Cams. ⚡️💖 #AkariRising,” ayon sa Instagram post ng ball club.
Makikita sa naturang posts ang pag-dive sa buhanginan ni Santiago-Manabat, gayundin ang pagbutata sa bola ni national head coach at Olympian gold medalist Jorge Souza de Brito ng Brazil, habang todo ang hampas ni Victoria sa ibinigay na set ng mga kakampi.
Pumirma ang dalawang high towers sa batang-batang koponan na sumabak sa 2022 Reinforced Conference bitbit ang three-time Olympian na si Prisilla Rivera ng Dominican Republic, habang nasa koponan sina dating La Salle playmaker Michelle Cobb, at mga dating Ateneo players na sina Jhoanna at Janel Maraguinot, Erika Raagas at Dani Ravena.




Comments