CGMA na-demote, VP Sara nag-resign.. Romualdez: Tama na ang pulitika

ni Mai Ancheta | May 22, 2023

Ayaw na umanong patulan pa ni House Speaker Martin Romualdez ang mga ugong-ugong ng umano'y planong pagpapatalsik sana sa kanya bilang lider ng Kamara.
Ayon sa House Speaker, dapat mag-focus ang mga mambabatas sa mas mahahalagang bagay at tigilan na ang pamumulitika at pagpapalutang ng tangkang destabilization.
Dapat aniyang putulin nang maaga ang ano mang planong hindi maganda sa Kamara.
Dapat aniyang manatiling nakatutok ang Kamara kung paano solusyonan ang mga isyung nakakaapekto sa buhay ng mga Pilipino sa halip na mamulitika.
Matatandaang na-demote si Congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang deputy speaker mula sa dating pagiging senior deputy speaker dahil sa umano'y planong pagpapatalsik kay Romualdez.
Sinundan naman ito ng pagkalas ni Vice President Sara Duterte sa Lakas-CMD.
Sa isang social media post ng Bise Presidente nitong Linggo, tila nagparinig ito sa salitang Bisaya na "Sa imong ambisyon, do not be tambaloslos".
Marami umanong kahulugan ang tambaloslos, depende sa gamit. Kabilang umano ang kathang-isip na sakim na nilalang na may malaking bunganga at tinuturuan ang mga tao sa maling desisyon, inutil at iba pa.
Hindi naman tinukoy sa post kung sino ang pinatutungkulan nito.





Comments