top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Centeno world champion sa Women's 10-Ball Austria

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 24, 2023
  • 2 min read

ni Eddie M. Paez, Jr. @Sports | October 24, 2023




Pumasok sa kasaysayan si Chezka Centeno nang akyatin ng Pinay ang trono ng 2023 World Women's 10-Ball Championships sa Sportpark ng Klagenfurt, Austria noong Linggo ng gabi (oras sa Europa).


Ito na ang pang-apat na pagkakataon na isang lady cue artist mula sa Pilipinas ay naging world champion. Noong 2009 naging reyna ng 10-ball sa buong mundo si Rubilen Amit. Inulit ito ng Cebuana makalipas ang apat na taon. Pumasok sa eksena si "The Flash" Centeno nang tanghalin siyang World 9-Ball Girls champion taong 2015.


Ang koronang napagwagian ng pambato ng Zamboanga na nagkakahalaga ng $50,000 ay pumutol din sa pagkauhaw ng bansa sa indibidwal na korona sa pandaigdigang arena na tumagal na ng anim na taon. Noong 2017, nanalo si Carlo Biado sa World Games at World 9-Ball Championships.


Sa Rehiyon ng Carinthia sa Austria, lumutang ang tatag ng pulso at pusong palaban ng Pinay nang balewalain ni Centeno ang makikinang na rekord ng mga nakalaban sa torneo katulad nina Han Yu (China, 9-4), Allison Fisher (Great Britain, 7-4 at 9-8) at Chieh Yu Chou (Taiwan, 9-2).


Sa finals ng paligsahang may basbas na World Pool Billiards Association o WPA, dalawang matinding kikig (4-1 at 3-1) kontra kay Yuang tumapos sa kampeonatong paghahangad sa 10-ball. Ang Intsik ay isang 3-time world 9-ball queen.


Tatlong beses na ring nagreyna sa 9-ball si Fisher at nakita ang pamatay na porma nito sa semis laban kay Centeno. Pero mas mabangis ang pagsargo ng Pinay dahil nakabalikwas ito sa isang 4-8 na hukay.


Hindi rin nagpakaldag si Centeno kay Chou nang magkaharap sila at inilampaso ng Pinay ang 2022 World 10-Ball titlist at WPA no. 1.


Sa pangwakas na seremonya, habang nakabalabal ang bandila ng Pilipinas sa kanya, hindi napigilang mapaiyak sa tuwa ng bagong kampeon mula sa bansa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page