Centeno runner-up sa Women's World 10-Ball C'ships sa Italya

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | August 7, 2026

Photo: Nagtapos na runner-up si Chezka “The Flash” Centeno matapos mabigo laban kay Belarusian Margarita Fefilova sa 2026 Banca del Fucino WPA Women's World 10-Ball Championship final sa Rome, Italy.
Naisalba ni Pinay cue artist Chezka Centeno ang 2nd place sa Women's World 10-Ball Championships na nagwakas sa billiards hall ng Rome Cavalieri sa Italya.
Bagamat nabigong maipagtanggol ang koronang napagwagian noong 2025 sa Indonesia, pinatunayan ng pambato ng Zamboanga City ang mataas na kalidad ng kanyang pagsargo dahil ilang araw pa lang ang nagdaan nang umakyat siya sa pandaigdigang trono ng women's 8-ball.
Isa rin sa may pinaka-solidong rekord sa buong daigdig ang nakadikit sa pangalang "The Flash" Centeno kung titingnan ang kanyang mga napagwagiang karangalan: World Games 2025 (2nd); World 10-Ball 2023 (1st); World 10-Ball 2025 (1st); World 8-Ball 2025 (2nd); World 8-Ball 2026 (1st); at World 10-Ball 2026 (2nd).
Malupit na 4-0, 4-3, 4-3 ang naging pasaporte ng Pinay cue star sa semis kontra kay Seo Seoa ng South Korea pagkatapos desisyunan sa quarterfinals ang Haponesang si Chihiro Kawahara, 4-3, 4-1, 3-4, 4-0, sa Roma.
Sa finals laban kay Margarita Fefilova, maagang napag-iwanan si Centeno, 1-4, 0-4, pero nakabawi agad ito, 4-1, 4-0. Sa deciding match, umaangas nang husto ang Belarusian tungo sa una nitong world title na nagkakahalaga ng $55,000. Pakonsuwelong $30,000 naman ang napasakamay ng Pinay sa paligsahang may basbas ng World Pool Billiards Association (WPA).





Comments