top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Celtics, sinolo ang 2nd Standings; Jazz sa Playoffs

BULGAR
Apr 8, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 8, 2022



Buhay pa rin ang pag-asa ng Boston Celtics na maagaw ang liderato ng NBA Eastern Conference matapos ang 117-94 panalo sa Chicago Bulls kahapon sa United Center. Pansamantalang nag-iisa muli ang Celtics sa pangalawang puwesto sa kartadang 50-30 sa likod ng numero unong Miami Heat na 52-28 subalit hindi nila hawak ang buong kapalaran.

Lamang ang Celtics ng buong 48 minuto at umabot pa ng 102-75 ang lamang na may 7 minuto pa sa 4th quarter. Nanguna sa atake si Jaylen Brown na may 25 puntos at sinundan nina Al Horford na may 17 puntos at 10 rebound at Jayson Tatum na may 16 puntos at 10 rebound.

Kailangang walisin ng Boston ang nalalabing dalawang laro sa tahanan ng Milwaukee Bucks at Memphis Grizzlies nang matalo ang Heat sa Atlanta Hawks at kulelat na Orlando Magic upang magtabla sa 52-30. Hawak ng Celtics ang tiebreak matapos magwagi sa Miami ng dalawa sa kanilang tatlong tapatan ngayong taon.

Samantala, nagpakita ng kanilang kahandaan para sa playoffs ang Utah Jazz at pinatahimik ang kulelat na Oklahoma City Thunder, 137-101. Bumanat ng 27 puntos si Bojan Bogdanovic at sinuportahan siya nina Rudy Gobert na may 20 puntos at 10 rebound at kabayan Jordan Clarkson na may 18 puntos buhat sa apat na 3-points.

Humabol mula sa 21 puntos ang Brooklyn Nets upang manaig sa kapitbahay na New York Knicks, 110-98, at kumuha ng positibong enerhiya papasok sa Play-In Tournament. Triple double si Kevin Durant 32 puntos, 10 rebound at 11 assist habang 24 puntos si Kyrie Irving sa unang laro sa Madison Square Garden.


Hindi nagpahuli ang Atlanta Hawks at binigo ang Washington Wizards, 118-103, salamat sa 30 puntos at 11 assists ni Trae Young. Tabla pa rin ang Nets at Hawks sa 42-38 subalit nasa Nets ang tiebreak para sa 8th place sa East sa bisa ng dalawang panalo sa kanilang tatlong laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page