top of page
Search
  • BULGAR

Celtics, pumatas sa 2-2 pumapalag pa sa Heat

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 25, 2022



Nagpasikat ng todo ang Boston Celtics at pinalamig ang bisitang Miami Heat, 102-82, sa Game 4 ng Eastern Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs kahapon mula sa TD Garden. Tabla na muli sa 2-2 ang seryeng best-of-seven at babalik na sa Miami ang aksyon para sa mahalagang Game Five ngayong Huwebes.

Humataw agad ang Celtics para sa 18-1 lamang at hinintay ng Miami ang lumipas ang higit siyam na minuto bago naka-shoot ng three-points ang reserbang si Victor Oladipo. Sapat na ang malakas na simula ng Boston at inalat ang shooting ng Miami sa buong laban kung saan umabot ng 32 ang lamang sa third quarter, 69-37.

Nagsabog 12 ng kanyang 31 puntos si Jayson Tatum sa first quarter habang nagdagdag ng 10 ng kanyang 13 puntos sa parehong quarter si Derrick White bilang kapalit ng lumiban na Defensive Player of the Year Marcus Smart na napilay ang bukong-bukong noong Game Three. Hindi din naglaro si White noong Game Two sa Miami upang saksihan ang pagsilang ng kanyang unang anak na ngayon ang nagsisilbing inspirasyon na ipinalo ang kampeonato.

Bumida rin sa Celtics sina Jaylen Brown at ang nagbabalik na All Defensive Team Robert Williams III na parehong may 12 puntos. Ipinasok ni Payton Pritchard ang 11 ng kanyang 14 puntos sa fourth quarter.

Walang nakatala ng 10 puntos sa first five ng Heat at nanguna si Oladipo na may 23 puntos at sinuportahan ng mga kapwa-reserbang sina Duncan Robinson na may 14 at Caleb Martin na may 12 puntos. Hindi naglaro si Sixth Man of the Year Tyler Herro dahil napilay ang hita noong Game Three.

Samantala, sisikapin ngayong Miyerkules ng Dallas Mavericks na manatiling buhay sa kanilang serye sa bisitang Golden State Warriors sa Game Four sa American Airlines Center. Lamang ang Warriors, 3-0, at walang koponan sa mahabang kasaysasyan ng NBA ang nakakabangon sa pagkakataong iyon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page