top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Celtics, nilapa ang Lakers sa pagbabalik ni Lebron

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 21, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 21, 2021





Wagi ang Boston Celtics sa bisitang Los Angeles Lakers, 130-108, sa paghaharap kahapon ng dalawang pinakamatagumpay na prangkisa sa 75 taon kasaysayan ng NBA sa TD Garden. Hindi naging sapat ang pagbalik sa aksyon ni LeBron James at pinagpag ng Celtics ang kanilang mabagal na simula upang ipantay ang kanilang kartada sa 8-8 panalo-talo.


Ngayon at nandiyan si James, ginanahan ang Lakers at kinuha ang first quarter, 38-29, 15 galing kay Anthony Davis. Pero biglang lumamig ang Lakers at ginamit ng Celtics ang pagkakataon upang tuluyang iwanan ang matinding karibal sa second half.


Namuno sa Boston si Jayson Tatum na may 37 puntos at 11 rebound. Malaki ang tulong ng mga gwardiyang sina Marcus Smart na may 22 puntos at dating Laker Dennis Schroder na may 21 upang takpan ang patuloy na pagliban ni Jaylen Brown dahil masakit ang hita.


Matapos pumutok sa first quarter, 16 puntos na lang ang na-ambag ni Davis para sa 31 puntos. Sumunod si James na may 23 puntos matapos lumiban sa laro kung saan nanalo ng tatlong beses lang ang Lakers.


Binitin ng kulang na Golden State Warriors ang huling paghabol ng Detroit Pistons, 105-102, sa likod ng anim ng 32 puntos ni Jordan Poole sa 4th quarter. Hindi naglaro sina Stephen Curry (pasa sa balakang), Draymond Green (pasa sa binti) at Andre Iguodala (masakit na tuhod) subalit Warriors pa rin ang nangunguna sa buong liga sa 14-2.


Lumiban din si Kevin Durant dahil masakit ang balikat kaya ginawan ng paraan ng Brooklyn Nets na maitakas ang 115-113 tagumpay sa bisitang Orlando Magic at umakyat bilang numero uno sa Eastern Conference sa kartadang 12-5. Tinuldukan ni James Harden ang laro sa 36 puntos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page