Celtics, nakadepensa, 76ers umangat sa segunda ng East
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 23, 2023

Isinalba ng numero unong Boston Celtics ng kanilang depensa sa huling 90 segundo at talunin ang Toronto Raptors, 106-104, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Scotiabank Arena. Umakyat din sa pangalawa sa Eastern Conference ang Philadelphia 76ers matapos magwagi sa Sacramento Kings, 129-127.
Nag-shoot ng three-points si Payton Pritchard upang wasakin ang huling tabla ng laro, 106-103. Binigyan ni Al Horford ng foul si Pascal Siakam subalit isang free throw lang ang naipasok at hindi na pumuntos ang dalawang panig sa nalalabing 1:15.
Dumating ang lahat ng 12 puntos ni bayaning Pritchard sa fourth quarter. Nanguna sa Boston si Jaylen Brown na may 27 puntos sa gitna ng pagliban ni Jayson Tatum bunga ng pilay na pulso.
Ito na ang ika-siyam na sunod na pagwagi ng Celtics para sa kartadang 35-12. Ang bagong pangalawa na 76ers ay 30-17 sabay baba ng Milwaukee Bucks sa 29-17.
Sumandal ang Philadelphia sa dalawang paniguradong free throw ni De’Anthony Melton may 4.3 segundo sa orasan, 129-126. May pagkakataon ang Kings pero isa lang sa tatlong free throw ni Harrison Barnes ang pumasok at hindi nag-shoot ang tapik ni Domatas Sabonis.
Nagtala ng 32 puntos si Tyrese Maxey upang takpan ang pagliban ni Joel Embiid dahil masakit ang paa. Sinayang ng Sacramento ang 73-52 lamang bago ang halftime at bumaba sa 26-19 at pangatlo sa Western Conference.
Hindi nakasabay ang Milwaukee Bucks sa Celtics at pinaluhod ng Cleveland Cavaliers, 114-102, kung saan parehong hindi ginamit ang mga bituin ng mga koponan Giannis Antetokounmpo at Donovan Mitchell. Walang nakapigil kay Evan Mobley ng Cavs patungo sa 38 puntos na pinakamarami sa kanyang dalawang taon sa liga.





Comments