top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Celtics, kinubra ang Game 1, pinakabog agad ang Warriors

BULGAR
Jun 4, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 4, 2022



Nararapat lang na wakasan na ang makasaysayang paggunita ng ika-75 taon ng NBA sa kampeonato ng dalawa sa orihinal nilang prangkisa. Sinimulan ng bisitang Boston Celtics ang paghanap ng kanilang ika-18 tropeo sa 120-108 paggulat sa Golden State Warriors kahapon sa Chase Center – ang unang tapatan ng dalawang koponan sa NBA Finals buhat noong 1964.

Naitala ng Warriors ang kanilang pinakamalaking lamang, 87-72, papasok sa last two minutes ng third quarter. Hindi sumuko ang Celtics at ibinuhos ang unang 9 na puntos ng fourth quarter upang makalapit, 89-92, subalit pumalag ang Golden State.

Naka-shoot si Stephen Curry upang angatin ang Warriors, 103-100, at iyan na ang kanilang huling hirit at iba ang naging bangis ng mga bisita sa huling anim na minuto. Bumanat ang Celtics ng 17 sunod-sunod na puntos para maselyuhan ng maaga ang tagumpay, 117-103, at 1:44 sa orasan.

Sa kanyang pinakaunang paglaro sa NBA Finals, gumawa ang beteranong sentrong si Al Horford ng 11 ng kanyang 26 puntos sa 4th quarter upang pangunahan ang Boston. Sinuportahan siya nina Jaylen Brown na may 24 puntos at reserba Derrick White na may 21 puntos.

Maganda ang simula ng Golden State at gumawa ng anim na tres si Curry sa first quarter patungo sa 21 puntos at 32-28 na lamang. Biglang inalat si Curry sa 2nd quarter at walang puntos kaya nakalamang ang Celtics sa halftime, 65-54, sa likod ng 12 puntos ni Brown at 10 kay Marcus Smart.

Nagtapos si Curry na may 34 puntos at nalasap ng Warriors ang kanilang unang pagkabigo sa sariling tahanan ngayong playoffs. Sumunod sina Andrew Wiggins na may 20 puntos at Klay Thompson na may 15 puntos.

Gaganapin ang Game 2 sa Lunes simula 8 a.m. oras sa Pilipinas, sa Chase Center muli. Lilipat ang serye sa TD Garden para sa Game 3 sa Huwebes (Hunyo 9) at Game 4 sa Sabado (Hunyo 11). Laro ngayong Lunes (Hunyo 6) – Chase Center 8:00 AM Boston sa Golden State.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page