Celtics, kampeon sa East, vs. Warriors sa NBA Finals
- BULGAR
- May 31, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 31, 2022

Magbabalik ang Boston Celtics sa NBA Finals matapos wakasan ang taon ng Miami Heat, 100-96, sa Game Seven ng Eastern Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs kahapon. Kumapit ng husto ang Celtics sa huling minuto upang masigurado ang panalo at kunin ang seryeng best-of-seven, 4-3, kung saan tatlo sa apat nilang panalo ay sa FTX Arena ng Heat.
Kahit lamang ang Celtics sa buong 48 minuto, pinasarap ng Heat ang laban matapos ang 11 magkasunod na puntos upang lumapit, 98-96, at 50 segundo sa orasan. Nag-depensa ng mabuti ang Miami at nabalik sa kanila ang bola subalit nagmintis ang three-points ni Jimmy Butler sa harap ng depensa ni Al Horford na magbibigay sana ng unang lamang nila.
Napilitan bigyan ng foul si Marcus Smart subalit walang kabang ipinasok ng Defensive Player of the Year ang dalawang free throw upang makahinga ng maluwag ang Boston na may 11 segundong nalalabi. Pumalag pa rin ang Miami pero nagmintis ang dalawang three-points ni Max Strus at sinungkit ni Horford ang rebound sabay ubos ng oras.
Bumida muli sa Jayson Tatum sa kanyang 26 puntos at 10 rebound at siya na rin ang hinirang na Most Valuable Player ng East Finals. Malaking suporta sina Jaylen Brown at Smart na parehong may 24 puntos. Nabitin ang 35 puntos ni Butler. Double-double si Bam Adebayo na 25 puntos at 11 rebound.
Haharapin na ng Boston para sa NBA World Championship sa unang pagkakataon ang Western Conference champion Golden State Warriors sa seryeng best-of-seven simula ngayong Biyernes ng umaga, oras sa Pilipinas. Gaganapin ang Game One at Two sa Chase Center ng Warriors sa bisa ng kanilang 53-29 kartada kumpara sa 51-31 panalo-talo ng Celtics sa regular season.
Huling pumasok ang Celtics sa Finals noong 2010 kung saan binigo sila ng matinding karibal Los Angeles Lakers, 4-3. Ang huling kampeonato nila ay dumating noong 2008 laban din sa Lakers, ang ika-17 tropeo ng makasaysayang prangkisa.








Comments