top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Celtics at Mavs, sokpa na sa West at East Finals

BULGAR
May 17, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 17, 2022



Magkakaroon na ng bagong World Champion ang NBA ngayong taon matapos alisin ng Boston Celtics ang Milwaukee Bucks sa trono, 109-81, sa Game 7 ng Eastern Conference Semifinals kahapon sa TD Garden. Tapos na rin ang kampanya ng numero unong Phoenix Suns at nanaig sa kanila ang bisitang Dallas Mavericks, 123-90, sa isa pang Game 7 sa Western Conference Semis.

Humugot ang Celtics ng hindi inaasahang tulong kay Grant Williams na binuhos ang 11 puntos sa 3rd quarter upang tuluyang lumayo, 79-64. Hindi nagpreno ang Boston at patuloy pa rin ang atake sa 4th quarter sa pangunguna ni Payton Pritchard na gumawa ng 11 ng kanyang 14 puntos.

Nagtapos si Williams na may 27 puntos. Sinundan siya nina Jayson Tatum na may 23 at Jaylen Brown na may 19 puntos at babalik na ang koponan sa East Finals matapos ang huli noong 2020.

Namuno sa Bucks si Giannis Antetokounmpo na may 25 puntos at 20 rebound habang 21 puntos si Jrue Holiday. Nalimitahan sa Giannis sa walong puntos lang noong second half kaya mag-isang lumaban si Holiday sa kanyang 15 puntos.

Haharapin ng Boston sa East Finals ang Miami Heat sa seryeng best-of-seven. Ang Game One ng serye ay nakatakda para sa Miyerkules ng umaga, oras sa Pilipinas, sa FTX Arena.

Sa Huwebes ang simula ng West Finals sa pagdalaw ng Dallas sa Golden State Warriors. Tinalo ng Warriors ang paboritong Memphis Grizzlies sa anim na laro, 4-2, upang makabalik sa West Finals matapos ang 2019.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page