Cellphone, iba pang gadgets i-ban sa iskul
- BULGAR

- Jun 11, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 11, 2024

Isang panukalang batas ang inihain sa Senado na nagbabawal sa mga estudyante na gumamit ng mga mobile phone at gadgets sa oras ng kanilang klase.
Ito ang Senate Bill 2706 o ang proposed Electronic Gadget-Free Schools Act na inihain ni Senate Basic Education Committee chairman Sen. Sherwin Gatchalian, kung saan ipagbabawal sa mga kindergarten hanggang senior high school students at mga titser sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na gumamit ng mga cellphone habang nagkaklase.
Ayon kay Gatchalian, ito ay dahil sa mga negatibong epekto ng labis na paggamit ng mga mobile device sa performance ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng estudyante sa basic education ay ipagbabawal na gumamit ng mga cellphone at iba pang electronic gadgets sa loob ng school premises kapag oras ng kanilang klase.
Kabilang sa school premises ang mga klasrum, laboratoryo, banyo, gymnasium, canteen o cafeteria, school club room, swimming pool, mga teachers' lounge, at mga opisina ng paaralan.
Ang mga guro at faculty members ay pinagbabawalan din sa paggamit ng mga gadget sa kanilang itinalagang oras ng pagtuturo sa mga silid-aralan.
Gayunman batay sa panukala, ang paggamit ng mga gadget ay pinapayagan lamang para sa “learning-related exceptions, health and well-being related exceptions, and exceptions related to managing risks.”
Ang SB 2706 ay may mandato sa Department of Education na bumalangkas at magpahayag ng mga guidelines sa pagbabawal ng paggamit ng mga mobile device at electronic gadgets at tinitiyak na ang mga private education institution ay magbibigay ng parehong mga guideline o alituntunin.
Iminungkahi naman ng naturang bill ang sanctions na ipapatupad ng DepEd sa mga public at private school na bigong mag-comply o hindi makakasunod dito. Habang ang mga mag-aaral ay sasailalim din sa kaukulang parusa na ibibigay base sa school policies na itinakda ng DepEd.
Ang pagbabawal sa paggamit ng cell phones at anumang gadgets sa mga paaralan habang nagkaklase, sa aking palagay ay mainam na disiplina hindi lang sa ating mga estudyante kundi pati na rin sa ating mga guro.
Mas makakapag-focus na kasi sila sa mga aralin habang madali nang mauunawaan ng mga estudyante ang mga lesson na itinuturo ng kanilang mga titser.
Kumbaga, nakatuon na lamang ang kanilang isip sa mga subject at hindi nahahati ang kanilang atensyon sa oras ng kanilang klase.
Kung ihahambing kasi noon na walang gadgets o cellphone, ang mga estudyante ay talagang focus sa kanilang pag-aaral, kaya naman marami ang nagiging matagumpay talaga sa kanilang buhay.
Mas makabubuti na rin sigurong ipagbawal ito sa ating mga estudyante para mas matuto at madagdagan ang kanilang kaalaman upang sa darating na panahon ay magiging malaking pakinabang din sa kanila.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments