Cebu Chooks, lalarga sa FIBA 3x3 Dubai Expo
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 31, 2022

Dala ang bagong pangalan subalit mas pinahusay, sasabak ang Cebu Chooks sa 2022 FIBA3x3 Dubai Expo SuperQuest ngayong Marso 31 sa United Arab Emirates. Magsisilbi din itong unang palaro matapos patibayin ng FIBA3x3 at Chooks To Go Pilipinas 3x3 ang kanilang global partnership noong Marso 21.
Kakatawanin ang Cebu Chooks ng mga Cebuano na sina Mark Jayven Tallo at Zachary Huang na siyang numero uno at numero dos na manlalaro ng 3x3 sa bansa ayon sa pinakahuling FIBA3x3 Ranking. Sasamahan sila ni Mike Harry Nzeusseu na sinimulan ang kanyang pag-aaral sa bansa sa University of the Visayas bago lumipat sa Lyceum of the Philippines University at Brandon Ramirez, isang 6’5” na tuklas mula Canada.
Hahatiin ang walong kalahok na koponan sa dalawang grupo ng tig-apat. Nabunot ang Cebu Chooks sa Grupo B kasama ang Riga ng Latvia, Antwerp ng Belgium at Chicago ng Estados Unidos.
Binubuo ang Riga ng mga manlalaro na nag-uwi ng makasaysayang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics habang ang Antwerp ang pambansang koponan ng Belgium na nagtapos ng pang-apat. Bagong koponan ang Chicago subalit ilan sa mga kasapi nito ay mga dating manlalaro ng Princeton na isa sa mga bigatin ng World Tour.
Nasa Grupo A ang 2021 World Tour champion Liman ng Serbia, Lausanne ng Switzerland, San Juan ng Puerto Rico at isa pang koponan na papangalanan ng punong abala UAE. Maglalaro ang mga koponan ng single round o tig-tatlong laban at ang dalawang may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout semifinals at finals bago matapos ang araw.





Comments