Cebu Chooks, kampeon ng Asia-Pacific Super Quest

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 2, 2022

Kampeon at walang talo ang Chooks Cebu sa ikalawang edisyon ng Chooks-To-Go Pilipinas 3x3 Asia-Pacific Super Quest noong Sabado sa Solenad ng Santa Rosa City, Laguna. Nilampasan ng numero unong koponang Pinoy ang hamon ng Sansar MMC Energy ng Mongolia, 17-15, sa makapigil-hiningang laban para sa $10,000 (P523,200) at karapatan na maglaro sa parating na 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters.
Na-shoot ni Mark Jayven Tallo, ang numero unong manlalaro ng Pilipinas, ang malayong dalawang puntos upang ibalik ang lamang sa Cebu, 15-14. Sinundan ito agad ng malapitang tira ni Mike Harry Nzeusseu para lumayo, 16-14.
Huling nagbanta ang Sansar sa buslo ni Enkhbaataar Onolbataar subalit inilabas ni Tallo ang kanyang huling baraha at ibinalik sa dalawa ang kanilang lamang, 17-15. Mula roon ay nagdepensa nang mahigpit ang Cebu sa nalalabing 1:12 at napalitang tumira nang sunod-sunod na mintis ang mga Mongolian.
Sa semifinals, nilusutan ng Chooks ang mga kababayang Manila, 17-14, sa likod ng anim na puntos ni Zachary Huang at tig-apat kay Nzeusseu at Brandon Ramirez. Sa kabilang banda, ginulat ang Sansar ang top seed at kapwa-Mongolian Zaisan MMC Energy, 18-15.
Nakapasok sa semis ang Zaisan matapos manaig sa tabla sa Grupo A kasama ang Manila at Melbourne Hoop City ng Australia na parehong may 2-1 panalo-talo. Madaling winalis ang Cebu ang Grupo B sa bisa ng mga tagumpay sa Tangerang ng Indonesia (21-12), Sansar (14-12) at Butuan Chooks (21-10).





Comments