Cebu at Manila sa World Tour, walang atrasan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 1, 2022

Cebu City – Huhugot ng lakas ang Cebu Chooks at Manila Chooks mula sa mga kababayan sa pagsipa ng 2022 FIBA 3x3 World Tour Cebu Masters ngayong Sabado, Oktubre 1, sa SM Seaside City. Ito na ang pinakamalaking palaro ng 3x3 na gaganapin sa Queen City of South tampok ang 12 iba pang pinakamahusay na koponan mula sa lahat ng sulok ng daigdig.
Pansamantalang sakripisyo ang gagawin ni Tallo at isa pang Cebuano Zachary Huang at hindi muna sila uuwi sa kanilang mga pamilya hanggang katapusan ng dalawang araw na torneo sa Oktubre 2. Binubuo ang Cebu Chooks nina Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu at reserba Vince Tolentino.
Nabunot ang Cebu sa Grupo A kasama ang Antwerp ng Belgium at Omaha 3 Ball ng Estados Unidos. Tinukoy ni Tallo ang Antwerp at gustong-gusto makabawi ng Chooks sa mga Belgian na tinalo sila, 19-12, sa Dubai Expo Super Quest noong Abril.
Inamin din ni playing coach Chico Lanete ng Manila Chooks na lahat ng mga bibisitang koponan ay malakas subalit napatunayan nila noon na hindi nagkakalayo ang kanilang antas ng laro. Mabigat na landas ang tatahakin ng Manila at kailangan manaig sila sa Qualifying Round kontra QSC Doha ng Qatar at Ludhiana ng India para sa huling upuan sa Grupo D kasama ang Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia at Lausanne Sport ng Switzerland.
Kasama ni Coach Lanete sa Manila sina Dennis Santos, Henry Iloka at Dave Ando na tubong San Remigio, Cebu habang reserba si Ken Sagulo Holmqvist. Ganado din ang bagitong si Ando na gamitin ang kanyang mga bagong natutunan papasok sa kanyang ikatlong torneo para sa Chooks.
Naniniwala pa rin si Ronald Mascarinas ng Bounty Agri Ventures na buhay ang pag-asa ng Pilipinas na maging bahagi ng 2024 Paris Olympics. Kasalukuyang ika-21 ang bansa sa FIBA 3x3 Ranking at tiyak na aangat lalo ito pagkatapos ng Cebu Masters.





Comments