Cebu, 8th place sa FIBA 3x3 Penang Challenger
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 13, 2022

Nabitin ang arangkada ng Cebu Chooks sa quarterfinals ng 2022 FIBA 3x3 Penang Challenger sa Queensbay Mall Linggo ng gabi sa Malaysia. Pumalag subalit lumuhod sa huli ang numero unong Filipino 3x3 team sa bigating Princeton ng Estados Unidos, 22-17, at magtapos sa ika-walong puwesto sa 16 koponan.
Bumanat agad ang mga Pinoy, 5-0, subalit nagising ang Princeton at naging dikdikan ang palitan ng puntos. Tumira ng two-points si Mark Jayven Tallo para sa huling lamang ng Cebu, 16-14, subalit sinagot ito ng apat na sunod-sunod na puntos ng Princeton para maagaw ang lamang at hindi na nila isinuko ito.
Huling nagbanta ang Cebu sa shoot ni Ramirez, 17-18, subalit iyon na ang huling hirit at ipinasok ni Kareem Maddox ang dalawang free throw na sinundan ng two-points ni Canyon Barry upang wakasan ng maaga ang laban na may 2:22 sa orasan.
Nakapasok ang Cebu Chooks sa quarterfinals matapos itapal sa Zavkhan MMC Energy ng Mongolia ng kanilang ikalawang sunod na talo, 18-15, sa likod ng 12 puntos ni Tallo. Ang Liman ang tuluyang kinoronahan na kampeon matapos talunin ang isa pang Amerikanong koponan NY Harlem, 21-9. Pareho silang tutuloy sa Paris Masters sa susunod na buwan.
Susunod para sa Cebu Chooks ang Chooks To Go Pilipinas 3x3 International Standalone Standalone Quest ngayong Biyernes, Setyembre 16, sa Ayala Malls Solenad ng Santa Rosa City, Laguna. Sasamahan sila ng Manila Chooks at Butuan Chooks laban sa mga bisita mula Mongolia na UIaanbaatar, Zaisan at Zavkhan, Kuala Lumpur ng Malaysia at Saitama Alphas ng Japan.





Comments