top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Cavs, 76ers, Pacers at Rockets, nakabuwelta

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 24, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 24, 2021





Umulit ang Cleveland Cavaliers sa Brooklyn Nets, 125-113, sa kanilang muling paghaharap kahapon sa NBA mula sa Rocket Mortgage FieldHouse. Bumida muli sa Cavs ang minsang dumalaw sa Pilipinas noong 2019 na si Collin Sexton upang sundan ang 147-135 panalo sa double OT noong isang araw.


Matapos magpaulan ng 42, sinundan ito ni Sexton ng 25 puntos habang may 19 puntos si Andre Drummond at 19 puntos din ang dating Nets na si Jarrett Allen. Hindi naglaro si Kevin Durant at hindi sumapat ang 38 puntos ni Kyrie Irving at 19 puntos ni James Harden.


Dalawang sunod na panalo rin ang naitala ng Philadelphia 76ers sa Boston Celtics, 122-110. Halimaw muli si Joel Embiid sa kanyang 38 puntos at sinundan ni Tobias Harris na may 23 puntos.


Sa ibang mga laro, ipinasok ni Malcolm Brogdon ang tres na may 3.6 segundo nalalabi upang ibigay sa Indiana Pacers ang pinaghirapang 120-118 tagumpay sa Orlando Magic. Nagtapos si Brogdon na may 23 puntos habang naglaro na may baling buto sa kamay si sentro Myles Turner para sa 22 puntos.


Kinailangan ng Houston Rockets ang mahigpit na depensa upang takasan ang humabol na Detroit Pistons, 104-103. Nanguna sa Rockets si Eric Gordon na may 20 puntos.


Binaon ni Trae Young ang walong tres para maging susi sa 116-98 na pagwagi ng Atlanta Hawks sa Minnesota Timberwolves. Nagtapos si Young na may 43 puntos. Bumalik sa panalo ang Dallas Mavericks kontra sa San Antonio Spurs, 122-117. Iniwan ng Chicago Bulls ang Charlotte Hornets sa second quarter para umukit ng 123-110 panalo. Panalo ang Toronto Raptors sa Miami Heat, 101-81. Nakibahagi ang Los Angeles Clippers para sa liderato ng buong liga matapos ibaon ang Oklahoma City Thunder, 120-106. Walang makapigil sa malupit na tambalang Kawhi Leonard na may 31 puntos.


Naging matatag ang Sacramento Kings sa 4th quarter upang gulatin ang New York Knicks, 103-94. Nagbida sina Jamal Murray at Will Barton sa huling dalawang minuto ng overtime upang manaig ang Denver Nuggets sa Phoenix Suns, 130-126.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page