Cavaliers at Pacers, nagpaluhod, lider na
- BULGAR
- Dec 23, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 23, 2022

Pinaluhod ng Cleveland Cavaliers ang numero unong Milwaukee Bucks, 114-106, upang lalong humigpit ang karera sa NBA kahapon mula sa Rocket Mortgage FieldHouse.
Hindi kinuha ng Boston Celtics ang pagkakataon na bumalik sa liderato ng liga at natalo sila ng bisitang Indiana Pacers, 117-112.
Linimitahan ng Cavs ang Bucks sa dalawang puntos lang sa last 2 minutes. Bumuhay sa Cavs si Donovan Mitchell na may 36 puntos at kumuha ng suporta kay Darius Garland na may 23 at Jarrett Allen na may 19 puntos.
Lamang ang Pacers papasok sa 4th quarter, 100-85, at sapat na ito at nakulangan ng oras ang Celtics. Namuno sa Indiana si Tyrese Haliburton na may 33 puntos mula sa anim na tres at rookie Andrew Nesmith na may 15 puntos.
Dahil sa Resulta, parehong may tig-22 na panalo ang Bucks (22-9), Celtics (22-10) at Cavs (22-11) subalit magkaiba ang dami ng talo. Hindi malayo ang pang-apat na Brooklyn Nets na naitala ang 143-113 tambak sa World Champion Golden State Warriors para sa kartadang 20-12.
Humataw agad ang Brooklyn sa first quarter, 46-17, at tinapos ang first half, 91-51. Siyam na Nets ang nagsumite ng 10 o higit na puntos sa pangunguna ni Kevin Durant na may 23 at reserba Edmond Sumner na may 16.
Hindi pinalad ang kapitbahay na New York Knicks at winakas ng bisitang Toronto Raptors ang kanilang walong sunod na panalo, 113-106. Halimaw si Pascal Siakam sa kanyang 52 puntos na pinakamarami niya sa pitong taon sa NBA.
Sa ibang mga laro, pinulot at ipinasok ni Ayo Dosunmu ang mintis ni DeMar DeRozan kasabay ng huling busina upang itakas ng bisitang Chicago Bulls ang tagumpay sa Atlanta Hawks, 110-108. Pumantay ang Dallas Mavericks sa 16-16 matapos ang 104-99 pagwagi sa Minnesota Timberwolves sa likod ng 25 puntos at 10 assist ni Luka Doncic.





Comments