Catantan, nakatusok ng 3 Gold sa SEA-Pac C'ships
ni Gerard Arce - @Sports | July 13, 2022

Tinusok ni 2021 SEA Games gold medalist Samantha Kyle Catantan ang 3 gintong medalya sa isinasagawang 2022 South East Asia Pacific Fencing Championships sa Ormoc, Leyte.
Pinatunayan ng 20-anyos na sophomore fencer mula sa Penn State University Nittany Lions na siya ang reyna ng fencing sa bansa nang kunin ang junior event sa women’s foil at sunod na ibinulsa ang senior’s event nang talunin ang kapwa national team member at two-time biennial meet silver at bronze medalist’s winner Justine Gail Tinio ng Canlas Fencing sa iskor na 15-4 sa Finals. Nasungkit nina Maricar Matienzo ng UE at nakababatang kapatid na si Janna Alyssah Cantantan ang tansong medalya.
Dinaig ni Catantan ang sarili nitong kapatid na si Janna Alyssah sa iskor na 15-8 sa tapatan sa finals ng paboritong individual event. Nagtapos sa ikatlong puwesto sina Thi Huang Le ng Vietnam at Annika Santos ng Canlas Fencing, habang nagtapos sa 6th place ang kapatid na si Sophia Shekainah.
Nasundan ng ikatlong gold medal mula sa Junior women’s Team Foil para sa Canlas Fencing kasama sina Victoria Ebdane, Julliana Jimenez at Jodie Danielle Tan.
Ang naturang kompetisyon ay parte ng preparasyon ni Catantan para sa World Fencing Championships sa Cairo, Egypt kasama sina Maxine Esteban sa Women's Foil, Noelito Jose sa Men's Epee at Lance Tan sa Men's Foil event.
Nitong Hunyo ay sumabak si Catantan sa 2022 Seoul Asian Fencing Championships sa South Korea at nagtapos sa 13th place matapos mahulog sa Round of 16 kontra sa matinding karibal na si Amita Berthier ng Singapore via 6-15.





Comments