Catanduanes Gov., P48K piyansa sa cyberlibel
- BULGAR

- 17 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 4, 2026

Photo: Catanduanes Provincial Information Office / File
Inirekomenda ng Quezon City Prosecutor's Office na maglagak ng piyansa si Catanduanes Gov. Patrick Alain T. Azanza matapos mapatunayang may sapat na batayan para kasuhan siya ng cyberlibel.
Sa resolusyon ni City Prosecutor Vimar Barcellano, kailangang maglagak ng P48,000 piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Azanza, batay na rin sa reklamo ni Jeric Cua, presidente ng Powerzone Petroleum Products Corporation.
Ayon sa piskalya, kumpleto ang mga elemento ng cyberlibel sa Facebook post ni Azanza noong Hulyo 25, 2025. Sa naturang post, kinuwestiyon ni Azanza ang mataas na singil sa kuryente sa Catanduanes at pinalabas umano na ang Powerzone ang direktang nagbebenta ng krudo sa independent power provider na SUWECO upang magkamal ng malaking pakinabang.
Sinabi pa ng piskalya na nagpakita si Azanza ng "reckless disregard for the truth" o sadyang pagbabalewala sa katotohanan.
Personal umanong naroon ang gobernador sa legislative hearing noong Hulyo 24, 2025, kung saan malinaw na ipinaliwanag ng kinatawan ng SUWECO na ang Unioil ang kanilang supplier, at ang Powerzone ay nagsisilbi lamang bilang "hauling and storage facility".
Bagaman hindi direktang pinangalanan sa post ang presidente ng kumpanya na si Jeric O. Cua, pinagtibay ng piskalya ang doktrina ng "defamation by implication" dahil sa sapat na pagkakakilanlan ng pamilya at korporasyong kanyang pinamumunuan, na naging dahilan upang makaranas umano sila ng pampublikong pag-atake at pagkabawas ng kredibilidad.





Comments