Catalan at Miado, babawi at aangat sa ONE Heavy Hitters
ni Gerard Arce - @Sports | January 09, 2022

Bitbit ang momentum sa nagdaang laban, puntirya ni Jeremy “Jaguar” Miado na mapabilang sa contenders ng Strawweight kontra beteranong si Senzo Ikeda ng Japan, habang magsusumikap si Robin “Ilonggo” Catalan na maiangat ang kanilang pangalan sa Enero 14 sa ONE: Heavy Hitters sa Singapore Indoor Stadium.
Kasunod ng dalawang impresibong knockout na panalo kay Chinese Miao Li Tao, babaunin ng 29-anyos na Pinoy fighter ang mataas na kumpiyansa para mas mapatibay ang strawweight ranks na masusubukan laban sa dating Japanese champion at dekalibreng MMA.
Sakaling magtagumpay si Miado, nais niyang makalaban ang Top 5's ng strawweights na sina Alex Silva, Hiroba Minowa, Jarred Brooks, Yosuke Saruta at Bokang Masunyane.
“Kung mananalo ako kay Senzo, sa tingin ko puwedeng mabigyan na ako ng chance makalaban 'yung nasa Top 5. Yun na muna yung inaasahan ko na makamit,” wika ni Miado sa virtual press conference nitong Biyernes. “Malakas talaga yung mga nakalaban niya at pansin kong pressure fighter siya, 'yun talaga yung tingin ko na magpapahirap sa akin pero ready ako para dun, dahil matagal na rin naman naming pinaghandaan ito,” dagdag ni Miado na dadalhin ang bagong koponan niyang Marrock Force MMA nina Denice at Drez Zamboanga. “Malakas ang cardio niya tapos hindi rin siya sumusuko basta-basta,” aniya.
Nais tuldukan ng 31-anyos na mula Iloilo City ang losing streak ng kanyang koponan. Masusubukan ang katatagan ni Catalan laban sa grappler na si Elipitua “The Magician” Siregar ng Indonesia sa flyweight division.
“Kailangan kong bumawi para sa team ko. Pipilitin ko talagang makabawi para sa lahat ng bumubuo ng aming koponan para patunayan ko na karapat-dapat akong makabalik sa panalo,” saad ni Catalan.
Halos isang taon na rin nang huling lumaban at nabigo si Catalan sa isang first round submission kontra kay Ryuto Sawada noong Enero 22, 2021 mula sa rear-naked choke, habang pipiliting maulit nito ang knockout head kick na panalo kay Gustavo Balart noong Nob. 8, 2019 sa ONE: Masters of Fate.





Comments