Castro kay Sara: Kung 'di ka VP, mas maunlad ang 'Pinas
- BULGAR

- 9 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | February 28, 2026

Photo File: Atty. Claire Castro at VP Inday Sara Duterte - PCO - OVP
Muling pumabor si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kay Vice President Sara Duterte na maaaring mas mabuti sana kung hindi na tumakbo ang huli sa ikalawang pinakamataas na halal na posisyon sa bansa.
Sinabi ni Castro na kung ibang bise presidente sana ang nahalal na tutulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., mas magiging maayos sana ang kalagayan ng bansa.
“At patungkol sa pagtakbo niya na kung sana ay nanatili na lamang siyang mayor sa Davao City – muli, sumasang-ayon tayo sa kanyang tinuran. Mas maganda po nga sana kung nanatili na lamang siyang mayor sa Davao City at nahalal natin ang isang bise presidente na tutulong sana sa ating Pangulo,” wika ni Castro sa Palace briefing.
“Isang bise presidente na magtatrabaho, mag-aaksiyon at hindi bakasyon at hindi puro paninira ang gagawin sa ating Pangulo. Mas umunlad sana or mas uunlad pa ha, maliban sa ginagawa ng Pangulo ngayon at kapag siya’y may katuwang para sa pag-unlad ng bansa, mas naging mainam sana,” ayon pa kay Castro.
Gayunman, sinabi ng Palace official na kadalasan lamang napagtatanto ang pagsisisi matapos magawa ang maling desisyon.
“Pero sabi nga natin, nasa huli ang pagsisisi,” diin niya.
Matatandaang hindi napigilang maging emosyunal ni VP Sara sa gitna ng kanyang talumpati sa publiko kaugnay sa naisip niyang posibilidad kung tumakbo na lang sana siyang alkalde sa Davao City sa halip na bise presidente noong nakaraang 2022 national elections.




Comments