Cash gift sa mga senior na edad 80, 85, 90 at 95, malapit na!
- BULGAR
- Dec 8, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 8, 2023
Simula pa lamang noong nakaraang Kongreso ay isinusulong na natin ang panukalang batas na ating iniakda hinggil sa benepisyo ng ating mga lolo at lola na makakuha ng P100,000 pagsapit ng 100 taon ngunit nais nating mas mapaaga pa ang naturang benepisyo.
Mula na noon ay tumaas ang excitement na nararamdaman ng ating mga kababayan hinggil dito partikular ang ating mga lolo at lola na siyang higit na makikinabang sakaling maging isang ganap na batas na ito.
Noong nakaraang Hulyo 5, 2022 ay muli nating isinumite ang naturang panukala at hindi natin tinantanan dahil ang tanging hangad natin ay ang pakinabang na makukuha ng mga nakatatanda sa oras na sapitin nila ang mga itinakdang edad na 80 hanggang 100.
Hindi naman nasayang ang ating pagsisikap dahil sa haba ng balitaktakan na ating pinagdaanan sa Senado ay napagtagumpayan nating itawid ang kahalagahan ng panukalang ito sa buhay ng ating mga lolo at lola.
Ang binabanggit nating panukala ay ang tinatawag nilang ‘Revilla Law’ na nakakatuwa naman dahil sa sobra nating pagpupursige na maipasa ang panukalang ito ay sa atin na mismo isinunod kung paano ito tatawagin.
Ito na ngayon ang pinal na bersyon ng ating iniakda, ang AN ACT GRANTING BENEFITS TO FILIPINO OCTOGENARIANS AND NONAGENARIANS, AMENDING FOR THE PURPOSE REPUBLIC ACT NO. 10868, OTHERWISE KNOWN AS THE “CENTENARIANS ACT OF 2016”, AND APPROPRIATING FUND THEREFOR, na ngayon ay lumusot na sa Kongreso.
Noong nakaraang Miyerkules ay niratipikahan na ng Senado ang Bicameral Committee Report na magbibigay ng cash gift para sa ating mga lolo at lola na matagal na rin namang hinihintay at magandang regalo para sa ating mga senior citizen.
Nakapaloob sa panukala na lahat ng Pilipino, kahit nakatira sa ibang bansa, basta aabot sa mga itinakdang edad ay makatatanggap ng cash gift at isang Letter of Felicitation mula sa Pangulo ng Pilipinas na bumabati sa mahaba niyang buhay.
Ang mga lolo at lola na aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay pagkakalooban ng P10,000 sa tuwing sasapit sila sa mga nabanggit na mga edad, at ang mga aabot naman ng 100 ay pagkakalooban ng buong P100,000.
Sa kabuuan ay aabot ng P140,000 ang matatanggap nila na manggagaling sa General Appropriations Act o national budget na magkakaroon ng sistema sa tulong ng lokal na pamahalaan upang makarating sa kinauukulan ang cash gift na ito.
Dapat lang nating tandaan na isang taon ang ipinagkakaloob ng batas para sa isang lolo at lola na makuha ang nakalaang benepisyo para sa kanila, kaya medyo mahaba-haba ang pagkakataong matanggap nila ito.
Nakatakda nang isumite sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang panukalang ito para sa pinakahihintay na lagda upang maging isang ganap na batas at kailangang mailathala ito sa ilang pahayagan sa loob ng 15 araw bago maipatupad.
Sa lahat kasi ng panukalang batas na ating isinumite ay itong ‘Revilla Law’ ang kahit saan ako magpunta ay napakarami ng nagtatanong kung kailan ito maipapatupad dahil nga sa malaking tulong ito sa mga nakatatanda nating kababayan.
Ang nangyayari tuloy ay palagi kong ipinapaliwanag kahit sa mga okasyon na hindi ko naman dapat talakayin ang tungkol dito ay napipilitan akong magbigay ng kahit maiksing eksplanasyon dahil sa napakarami ng nakaabang at nagtatanong.
Hindi alam ng marami nating kababayan na ang panukalang ito para sa ating mga lolo at lola ay ang kauna-unahang panukalang batas na ating isinumite sa 19th Congress kaya noon pa lamang lumusot ito sa ikatlong pagbasa kamakailan ay tuwang-tuwa na ako.
Patunay kasi ng isang pagiging tunay na Pilipino ang pagkalinga sa mga nakatatanda nating kababayan na bahagi ng kulturang ating kinagisnan kaya napakahalaga sa akin na maipasa ang benepisyong ito.
Naaalala ko pa noon na sa botong 20-0-0 ay lumusot sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukalang batas na nag-amyenda sa Centenarian Act of 2016 na magkakaloob ng P100,000 cash gift ng mas maaga sa mga senior citizen — at ngayon ay lusot na sa Kongreso.
Ako mismo ang principal author at tumayong co-sponsor ng Senate Bill No. 2028 sa ilalim ng Committee Report No. 61 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang ‘Centenarian Act of 2016’ upang maibigay ang cash gift sa mga senior citizen.
Maraming hindi na umaabot sa edad na 100 at hindi na nila mapakinabangan ang benepisyong para sa bawat nakatatandang Pilipino at karaniwan ay sa gamot na rin lamang napupunta kaya magandang mas maaga ay pakinabangan na.
Pero ngayon, konting panalangin na lamang at sa oras na nilagdaan na ng Pangulo ang ating panukala ay isang maligayang pagdiriwang ito para sa ating mga lolo at lola.
Ito ang aking maagang pamasko sa lahat ng mga lolo at lola sa bansa!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments