top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Cash Gift para sa Senior Citizens, ‘wag nang patagalin pa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 29, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 29, 2023


Sa botong 20-0-0, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang kauna-unahang panukalang batas na ating isinumite sa 19th Congress na nag-amyenda sa Centenarian Act of 2016 na magkakaloob ng P100,000 cash gift ng mas maaga sa mga senior citizen na may edad 80, 90 at 100.


Ayon sa datos ng Philippine Statistics Author ity (PSA) na inilabas noong 2015, nasa halos 7.5 milyong senior citizen o halos 10 porsyento o tinatayang nasa 790,000 ang bilang ng may edad 80 hanggang 90.


Ang inyong lingkod ang principal author at tumayong co-sponsor ng Senate Bill No. 2028 sa ilalim ng Committee Report No. 61 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10868 o ang ‘Centenarian Act of 2016’ upang maibigay ang monetary benefits sa mga senior citizen na may edad 80 at 90.


Sa ilalim ng Senate Bill 2028 o ang panukalang ‘Expanding the Coverage of the Centenarians Act,’ ang mga senior citizens na naninirahan sa Pilipinas o abroad ay dapat pagkalooban ng P10,000 pagsapit sa edad na 80, P20,000 naman sa 90-anyos, at P100,000 pagsapit sa edad na 100.


Hindi na kailangang maghintay pa na umabot sa edad na 100 para makuha ang naturang benepisyo mula sa gobyerno.


Marami nga namang hindi na umaabot sa edad na 100 at hindi na nila mapakinabangan ang benepisyong para sa bawat Filipino centenarian at karaniwan ay sa gamot na rin lamang napupunta kaya magandang mas maaga ay pakinabangan na.


Hindi naman lingid sa marami na ang mabilis na pagtaas ng pamumuhay at health care expenses ay karaniwang mahirap na sitwasyon sa maraming senior citizen at halos hindi na makayanan ang pang-araw-araw na pangangailangan.


Kaya hangad natin sa panukalang batas na ito na mas maraming nakatatanda ang makinabang mula sa Centenarian Act at sana ay makatulong ito upang mas mapalawig pa ang kanilang buhay at mas makasama nang matagal ang mga mahal nila sa buhay.


Ang pagkakapasa ng panukalang batas na ito ay isang patunay ng ating pagkilala sa kulturang Pilipino na kumakalinga at nagkakandili sa mga nakatatanda hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay.


Binibigyang pugay din natin si Senator Imee Marcos dahil sa kanyang pagsisikap at pagbibigay ng panahon para sa panukalang batas na ito at inaasahan nating sa susunod na taon na ang panaginip na ito ay maging isa nang ganap na katuparan.


Kaakibat din ng SB 2028 ay ang nakasaad na halaga na dapat ay isinusunod o inia-adjust sa daloy ng inflation makaraan ang isang taon simula sa pagkakapasa ng naturang batas at maging epektibo.


Ang adjustment ay dapat na dinidetermina ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ibabase naman sa average annual inflation sa mga susunod na tatlong taon.


Samantala, bilang chairman ng Senate Committee on Public Works ay pumasa na rin sa ikalawang pagbasa ang renaming of thoroughfares na inaasahan nating makapagbibigay ng pagpupugay sa mga kilalang personalidad na naglingkod sa ating bansa.


Kabilang sa nais palitan ang pangalan na nakapaloob sa isinumiteng mga panukala ay ang una, Bohol Island Circumferential Road bilang President Carlos P. Garcia Circumferential Road, ikalawa ang Urdaneta City By-pass Road kay Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco, Jr. Avenue, ikatlo ang Tambacan Bridge sa Iligan City bilang Mariano Lluch Badelles, Sr. Bridge, at ikaapat ang kahabaan ng National Highway mula Bgy. San Juan Bautista hanggang Bgy. Nalayahan sa Siruma, Camarines Sur bilang Speaker Arnulfo “Noli” Fuentebella Highway.


Inaasahan nating uusad na rin ang ating panukalang batas na mag-aangat sa local infrastructure development sa pamamagitan ng pagbuo ng iba’t ibang district engineering offices, conversion of roads, at kabilang na nga rito ang renaming of thoroughfares.


Sa muling pagbubukas ng session sa Nobyembre 6 ay muli tayong hahataw para sa mga nasimulan nating ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page