Carlito Galvez bagong Defense chief – P-BBM
ni Lolet Abania | January 9, 2023

Pinili ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. na maging secretary ng Department of National Defense (DND).
Ayon sa Presidential Communications Office ngayong Lunes, tinanggap na ni Galvez ang posisyon na inialok ng Pangulo.
Ito ay kasunod ng anunsiyo ng Malacañang sa resignation ni DND officer-in-charge Jose Faustino Jr.
Sinabi rin ng Malacañang na tinanggap na ni Pangulong Marcos ang pagbibitiw ni Faustino, subalit hindi nagbigay ng rason para rito.
Ginawa ni Faustino ang resignation matapos na magpalit ng leadership sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kung saan si General Andres Centino ang pumalit kay Lieutenant General Bartolome Bacarro bilang kanilang chief.
Matatandaan na nagsilbi si Galvez bilang AFP chief sa ilalim ng Duterte administration.
Dati na ring naglingkod bilang commanding general ng Western Mindanao Command, kung saan nabigyan ng mahalagang tungkulin sa pagtatapos ng five-month siege ng Marawi City noong 2017. Pinagkalooban din siya ng Order of Lapu-Lapu (Kamagi Medal) para sa kanyang “outstanding performance as the unified commander during the liberation of Marawi City.”
Si Galvez na isang peace advocate ay nanungkulan bilang chairman ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities para sa panig ng gobyerno sa nangyaring peace process sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nagsilbi rin si Galvez bilang vaccine czar ng bansa at “chief implementer” ng national policy ng bansa laban sakit.





Comments