Cargo Movers, HD Spikers at Titans, masusubok uli
ni Gerard Arce - @Sports | March 20, 2022

Tatangkain ng tatlong koponan mula sa Pool A na mapanatili ang kani-kanilang malinis na kartada at unbeaten mark sa pagpapatuloy ng aksyon ngayong hapon sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Paco Arena Events & Sports Center sa Maynila.
Kapwa hangad ng F2 Logistics Cargo Movers, Cignal HD Spikers at Choco Mucho Flying Titans na maipagpatuloy ang magandang nasimulan sa liga sa paghaharap ng Cargo Movers at HD Spikers sa unang laro sa 3 p.m. na susundan ng tapatan ng Flying Titans laban sa magbabawing Chery Tiggo Crossovers ng 6 p.m.
Nalasap ng Cargo Movers ang dalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng matagumpay na paglampaso sa Army Black Mamba sa bisa ng 3-1 iskor noong opening day nitong Miyerkules at pagwalis sa Chery Tigo noong Biyernes via 3-0.
Paniguradong sasandal muli ang Cargo Movers sa mga beteranong spikers ng koponan sa pangunguna ni leading scorer Kim Keanna Dy, gayundin sina Majoy Baron, Abby Marano, Tin Tiamzon, Ara Galang, top libero Dawn Macandili, setter Iris Tolenada at ang nagbabalik na si Kim Fajardo na paunti-unting nagbabalik laro matapos ang right knee injury.
“Hindi ko ine-expect na ipapasok ako, normally nasa gilid lang ako conditioning, pero first time after 2 years na makalaro ng actual game, sobrang okay na rin yung naging galaw, pero ayun nga nangangapa pa, pero kilala ko naman sila at yung sistema andun pa rin, kaunting ayos pa siguro kase hindi pa ako nakakapag-training talaga with them. Okay naman ako sa naging outcome ng game pero may iimprove pa iyon,” pahayag ng 28-anyos na top setter ng bansa na si Fajardo na kababalik lamang sa laro laban sa Chery Tigo ng rumehistro ito ng 11 excellent sets at 2pts.
Makakatapat nila ang bigating spikers na sina Ces Molina, Rachel Anne Daquis Pauline Araneta at towering blocker Ria Meneses, gayundin sina Angel Cayuna, Grazielle Bombita, Jerrilli Malabanan at Angelique Dionela na naunang nagpadapa sa Chery Tigo noong Miyerkules.





Comments