top of page

Canino, nakabawi para sa DLSU Lady Spikers vs. U.P.

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 18, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | April 18, 2023



Todo sa pagbawi si super-rookie Angel Canino upang muling iangat ang semifinal-bound na De La Salle University Lady Spikers matapos bumitaw ng maiinit na palaso upang kalimutan ang matamlay na laro kontra University of Santo Tomas Golden Tigresses na nagbigay ng unang pagkabigo sa 85th UAAP women’s volleyball tournament.


Buhos sa kabuuang 17 puntos ang 5-foot-11 outside hitter kontra sa talsik na sa eliminasyon na University of the Philippines Lady Maroons para mapanatiling nasa tuktok ng liderato sa 10-1 kartada, habang sumegunda si Thea Gagate sa 11 puntos at bagong hugot na si 6-foot-2 hitter at rookie Sheena Laput sa 9 na puntos.


Naging malaking tulong sa koponan ang nagdaang Holy Week break upang mapagmuni-munihan ang mga pagkakamaling nagawa at dapat na plantsahin upang maibalik ang paraan upang manalo.


Sobrang nakaka-proud lang din kasi galing kami sa talo. Sobrang laki ng lesson ng past game namin. Hindi kami papayag na ganun lang,” pahayag ni Canino, na humataw ng 13-of-26 kasama ang tig-dalawang aces at blocks. “Alam ko naman marami pang kailangan i-improve sa future games,” dagdag ng 19-anyos na tubong Bacolod City.


Itinuturing ng Lady Spikers na napaka-importanteng laro ng pangwawalis sa laglag na sa kontensyong Lady Maroons sa 25-15, 25-16, 25-16 na nagsilbing pambawing panalo upang muling iangat ang kumpiyansa at positibong panalo sa liga. “Of course, super important ‘to kahit na UP kalaban namin. Kasi ito ;yung strong comeback namin. Dito makikita kung ano kami as a team,” wika ni Gagate, na nagtapos sa 9-of-14 atake at dalawang blocks.


Kahit man tangan na ang isang puwesto sa Final Four, nais munang pagtuunan ng pansin ng Lady Spikers na tapusin ng maayos ang second round at isantabi muna ang pagtingin sa twice-to-beat na bentahe sa semifinal round.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page