ni Anthony E. Servinio @Sports | June 23, 2024
Mga laro ngayong Linggo – MOA
11:00 AM Alemanya vs. Iran
3:00 PM Pransiya vs. Brazil
7:00 PM Japan vs. Estados Unidos
Tunay na hiyang ang Canada sa MOA Arena at winalis nila ang lahat ng apat nilang laro sa pagwawakas ng kanilang kampanya sa 2024 FIVB Men’s Volleyball Nations League (VNL) kahapon. Nagpamalas ng husay ang mga Canadian kontra sa Netherlands – 21-25, 25-22, 28-26, 14-25 at 15-9 – at ngayon ay paghahandaan ang quarterfinals.
Sumandal muli ang Canada sa malupit na tambalan nina Stephen Maar na may 18 at Eric Loeppky na may 14 puntos. Pinabayaan si kapitan Nimir Abdel-Aziz na umusok para sa 37 at nabantayan na mabuti ang ibang mga Olandes.
Sa kartadang 8-4, hihintayin na lang ng Canada ang makakaharap sa quarterfinals. Tanggal ang mga Olandes sa 3-9.
Hindi nagpahuli ang Estados Unidos at patuloy ang pagpalag sa lumiliit na pag-asang mapabilang sa sunod na yugto at nagtagumpay sa Alemanya – 25-23, 21-25, 26-24 at 25-23. Bumuhos ng 23 si Matthew Anderson at nag-ambag ng 20 si Torey Defalco at pumasok ang mga Amerikano sa tabla sa 5-6 kasama ang mga naglalaro sa Ljubljana na Serbia at Argentina para sa ika-walo at huling upuan.
Samantala, hindi binigo ng paborito Japan ang kanilang mga tagahanga at winalis ang Netherlands Biyernes ng gabi, 25-18, 25-19 at 25-20 para lalong masemento ang kanilang pagpasok sa quarterfinals sa kartadang 7-3. Namuno sa atake sina Yuji Nishida na may 16 at kapitan Yuki Ishikawa na may 15 puntos.
Haharapin ng mga Hapon ang mga Amerikano sa tapatan ng maituturing na dalawang pinakasikat na koponan sa huling araw ng palaro ngayong Linggo sa 7:00 ng gabi. Bago noon ay magtutuos ang Alemanya at Iran sa 11:00 ng umaga at Pransiya laban sa Brazil sa 3:00 ng hapon.
Comments