Campaign donation ng kontraktor... Chiz, lusot sa P30M — SC
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Mervin Reyes @News | July 11, 2026

Photo: Chiz Escudero
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na baligtarin ang naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na naglinis kay Sen. Francis Escudero kaugnay ng P30 milyong campaign donation mula sa isang government contractor, dahil sa paggamit umano ng maling legal na remedyo.
Sa abisong nilagdaan ni Clerk of Court Marife M. Lombibao-Cuevas, sinabi ng Korte Suprema na sa resolusyong may petsang Hunyo 3, 2026, ibinasura nito ang petition for review na inihain ni John Barry Tayam laban kay Escudero at sa Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Comelec.
“The Court resolved to DISMISS the Petition for Review dated 23 December 2025, filed by the petitioner, for being the wrong remedy.”
Nag-ugat ang kaso sa desisyon ng PFAD na itigil ang imbestigasyon kina Escudero at negosyanteng si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., kaugnay ng P30 milyong donasyong ibinigay noong kampanya ni Escudero sa halalan noong 2022.
Ayon sa PFAD, walang paglabag sa Omnibus Election Code dahil hiwalay na legal na entidad ang kumpanya at si Lubiano, at ang donasyon ay ginawa ng negosyante sa kanyang personal na kapasidad, hindi bilang kinatawan ng korporasyon.
Kinuwestiyon ito ni Tayam, isang guro mula sa Las Piñas City, na iginiit na hindi dapat ituring na hiwalay si Lubiano sa kumpanyang kanyang pinamumunuan at pagmamay-ari, lalo na sa usapin ng pagbabawal sa campaign contributions mula sa mga government contractor.
Bagama't pinayagan noon ng Korte Suprema ang mosyon ni Tayam upang maihain at matanggap ang petisyon, ibinasura rin ito sa kalaunan dahil sa procedural grounds, na nagsasabing hindi ang petition for review ang tamang legal na remedyo.
Hindi na tinalakay ng Korte Suprema ang merito ng alegasyon hinggil sa legalidad ng campaign donation at ibinasura ang kaso batay lamang sa isyu ng tamang proseso.





Comments