Camel, simbolo ng mga sagabal sa plano sa buhay
- BULGAR
- May 3, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | May 03, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Vergel ng Bulacan.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat d’yan sa BULGAR. Dati akong OFW, nagtrabaho ako sa Saudi pero ngayon ay for good na sa Pilipinas at dito na rin ako inabutan ng lockdown. Tagasubaybay ako ng inyong column at nasisiyahan akong basahin ito dahil stress reliever ko ito. Nais kong ipaanalisa sa inyo ang kahulugan ng aking panaginip.
Palagi akong nananaginip ng camel. Nasa disyerto ako at masayang pinanonood ang mga kamelyo na naghahabulan sa buhangin. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Vergel
Sa iyo, Vergel,
Kung sa panaginip mo ay isa lang ang hump o umbok sa likod ng camel, ito ay nangangahulugan na maraming sagabal o hadlang sa mga balak mo, kumbaga, maraming kokontra. Sobra kang malulungkot dahil feeling mo, wala kang kakampi ngayon, pero noong panahong nasa abroad ka, lahat sila ay nakikinabang sa mga padala mo.
Gayunman, kung dalawa ang humps sa likod ng camel, lalong hindi maganda ang kahulugan nito dahil mas maraming problema ang sasagupain mo. Magiging magulo ang isip mo at halos hindi mo na alam kung paano haharapin ang mga nangyayaring pagsubok sa iyong buhay. Huwag kang mabahala sa dahilang mapagtatagumpayan mo ito at babalik ang kapayapaan ng iyong isipan. Ibig sabihin, malalagpasan mo ang mga pagsubok na iyong kakaharapin dahil sa katapangan mo sa pagsagupa sa mga problema sa buhay. Matalino at madiskarte ka, gayundin, hindi agad sumusuko. Kaya sa bandang huli, ikaw pa rin ang panalo sa laban ng buhay.
Ito ang ipinahihiwatig ng mga kamelyo sa panaginip mo. Ang disyerto naman ay nagbabadya na huwag mo nang balaking mag-abroad muli dahil hindi magiging maayos ang paglalakbay mo. Maraming sagabal at maaaring maging masalimuot ang mga dokumentong may kaugnayan sa trabahong iyong papasukin.
Makuntento ka na sa sarili mong bansa at maging matatatag at matiyaga ka. Mag-ingat ka palagi. Tibayan mo ang iyong pananalig sa Dakilang Kataas-taasan dahil hindi ka Niya pababayaan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments