Caloocan Girl pakitang gilas sa PHILRACOM RBHS
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | January 25, 2022
Hindi binigo ni Caloocan Girl ang kanyang mga tagahanga matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Sinabayan ni Caloocan Girl ang matutulin sa largahan na sina Smiling Lady at Happy Go Lucky upang hindi makalayo ng todo ang kalaban ng winning horse.
Nang makuha ni Happy Go Lucky ang unahan ay hindi na masyadong kumapit si Caloocan Girl at pumuwesto na lang sa pangatlo sa likuran ni Smiling Lady.
Sakay si jockey RM Garcia, papasok ng huling kurbada ay kumilos na si Caloocan Girl at kumuha na ito ng segundo puwesto.
Pagsapit ng rektahan ay inagaw na ni Caloocan Girl ang unahan at nanalo ito ng may dalawang kabayo ang agwat sa nasegundong si Union Run. "Napakagaling ni Caloocan Girl ngayon, para pang stakes race kung manakbo," saad ni Luisito Ventura, karerista.
Inirehistro ni Caloocan Girl ang 1:26.4 sa 1,400 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Nasilo ng horse owner na si LC Almeda ang added prize na P5,000, tersero tumawid sa meta si Happy Go Lucky habang pumang-apat si Tanforan.
Samantala, nagpakitang-gilas din si Triple Track sa isa pang PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa Race 4.
Ginabayan ni JQ Cabarrios, nagtala ng magandang tiyempong 1:27.4 sa 1,400 meter race si Triple Track na anak nina Zizou at Conquest Renegade. Pangalawang puwesto si Broadway, tersero si Winsome Maxxine habang pang-apat si Rafa.





Comments