Cali Volleybelles, lalaro sa Red Warriors para sa UAAP
- BULGAR
- Jul 26, 2023
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | July 26, 2023

Papalo para sa University of the East Lady Warriors ang mga bigating manlalaro mula California Academy spikers na binubuo nina Casiey Dongallo, Jelaica Gajero, Kizzie Madriaga at Grace Fernandez, gayundin si Gracel Christian College Foundation standout Claire Castillo para makalaro sa darating na season 86 ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) women’s volleyball tournament.
Dumating na rin ang pinakahihintay na pangakong pinanghahawakan na ng Lady Warriors matapos tanggapin ng top-high school recruits ang alok na maglaro sa Recto-based squad, kung saan eligible ang lahat para sa kanilang rookie-debut sa pagbubukas ng liga sa susunod na taon.
Ibinigay ng limang balebolista ang kanilang pangako kay Strong Group Athletics founder Frank Lao at head coach Jerry Yee nitong Martes sa Gloria Maris Restaurant Greenhills sa San Juan.
“Having the Cali Babies commit to our team is such a crucial part of our rebuilding process. We all know what they can bring to the table, and as a team, we are very excited to have them be part of our journey,” pahayag ni Lady Warriors team manager Jared Lao.
Bukod sa limang manlalaro, tinapik rin ng UE si California Academy head coach Obet Vital bilang parte ng assistant coaches ni Yee.
Nakilala ang California Academy bilang isa sa mga pangunahing koponan na nakakapagbuo ng mahusay na high school volleyball program sa bansa, kung saan nagawa nitong makipagsabayan sa mahuhusay na koponan sa Premier Volleyball League (PVL) ng lumahok ito sa 2021 PNVF Champions League for Women kung saan nagtapos sila sa fifth place.
Nabigyan din ng pagkakataon sina Dongallo at Gajero na maging parte ng national pool ng Philippine Women's National Volleyball Team. Nagawa ring dominahin ng California Academy ang 2023 PNVF Under-18 Girls' Tournament at Shakey’s Girls Invitational Volleyball League.
Mahusay na nagpamalas ng kanyang playmaking si Madriaga sa PNVF U18 tournament ng magwagi itong Best Setter, habang si Dongallo ay hinirang na MVP ng Shakey’s tourney.
Pinarangalan rin si Gajero bilang Best Outside Spiker, Fernandez bilang Best Libero, at Madriaga bilang Best Setter.








Comments