Calambubble TM-CTG Pilipinas 3x3 President's Cup, lalaro sa Laguna
- BULGAR

- Oct 15, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | October 15, 2020

Handa na ang lahat para sa 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM ngayong Oktubre 21. Simula kahapon ay isa-isa nang dumating ang 12 koponan at mga opisyal at staff sa Inspire Sports Academy sa Calamba City, Laguna balot ng mahigpit na health at safety protocol.
Bago papasukin ay sasailalim ang lahat sa pagsusuri para sa virus at susundan ito ng pagsusuri sa piling ilan habang tumatakbo ang torneo hanggang Oktubre 30. Papairalan pa rin ang mga nakasanayan gaya ng pagsuot ng maskara at pananatiling malinis ng buong lugar at mga kagamitan.
Mananatili muna ang mga atleta sa kanilang mga silid ng dalawang araw bago payagan magsimula ng ensayo. Magkakaroon ng preseason tournament sa Oktubre 19 bago ang apat na opisyal na yugto sa Oktubre 21, 23, 25 at 27.
Lahat ng koponan ay makakalaro sa Grand Finals sa Oktubre 30 kung saan isang milyong piso ang mauuwi ng pangkalahatang kampeon. “Lumakas ang lahat ng koponan, marahil dahil wala muna ang ibang liga ay dito sila nagpuntahan,” wika ni Commissioner Eric Altamirano.
Pangungunahan ang 12 koponan ng Family’s Brand Sardines-Zamboanga City at Uling Roasters-Butuan na pinuno ng mga kasapi ng pambansang koponan. Ayon kay Commissioner Altamirano, ang isa sa mga pangunahing layunin ng President’s Cup ay tulungan ang bansa sa paghahanda para sa Olympic Qualifying Tournament sa susunod na Mayo sa Graz, Austria.
Ang iba pang mga kalahok na koponan ay ang Nueva Ecija Rice Vanguards, Palayan City Capitals, Big Boss Cement-Porac Green Gorillas, Sta. Lucia-Pasig Realtors, Bicol Pro 3X3, Master Sardines-Bacolod, Zamboanga Peninsula MLV Valientes, Pagadian City Rocky Sports, Petra Cement-Roxas ZN at Sarangani Marlins. Lahat ng mga laro ng President’s Cup ay mapapanood ng live sa pahina sa Facebook ng Chooks To Go Pilipinas.





Comments