C'ship NBL Bubble Game Black Arrow President's Cup: Pampanga vs. La Union
- BULGAR

- Oct 20, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | October 20, 2020

Tatapusin ng National Basketball League (NBL) ang naudlot nilang 2019-2020 Black Arrow Express President’s Cup sa pamamagitan ng seryeng best-of-five para sa kampeonato sa pagitan ng Pampanga Delta Converge at bisitang La Union Paower sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga simula Oktubre 22. Pumasok na ang mga koponan, opisyal at staff sa bubble kahapon ng Lunes balot ang mahigpit na health at safety protocol matapos ang mahigit walong buwan ng pamamahinga.
Ang pangalawa at pangatlong laro ng serye ay gaganapin sa Oktubre 24 at 26. Kung kakailangin, ang pang-apat na laro ay sa Oktubre 28 at kung sasagarin, sa Oktubre 30 ang ika-lima at huling laban.
Mabigat na paborito ang Delta dahil maglalaro sila sa sarili nilang tahanan subalit hindi sila nakakasiguro sa Paower. Tinalo ng Paower ang Delta, 95-89, matapos ang dalawang overtime noong Enero 11 sa San Juan, La Union.
Nasa kalagitnaan ang NBL ng kanilang playoffs noong natigil ang mga laro noong Marso 8. Sampu sa 14 koponan ang nananatiling buhay para sa kampeonato subalit isa-isa silang nagpasya na hindi na lumahok sa bubble bunga ng sari-saring dahilan hanggang naiwan na lang ang Pampanga at La Union.
Ang orihinal na plano ng liga ay tapusin ang lahat ng mga nakatakdang serye. Pasok na ang Delta at Paower sa quarterfinals at naghihintay ng makakalaro sana taglay ang twice to beat advantage.
Determinado ang Delta na burahin ang ala-ala ng kanilang pagkabigo sa nakaraang NBL kung saan winalis sila ng kampeon Taguig Generals sa seryeng best-of-three noong Oktubre 20, 2019 – eksaktong isang taon na ang nakakalipas. Samantala, hinahanap ng La Union ang kampeonato sa kanilang pinakaunang sabak sa liga.
Maliban sa Pampanga, La Union at Taguig, lumahok sa President’s Cup ang CamSur Express, Muntinlupa Emeralds, Cavite Ballers, Quezon City Defenders, Caloocan Executives, Pasig El Pirata, Paranaque Aces, Nueva Ecija Rice Makers, Laguna Pistons, Marikina Best Shoemakers at Zamboanga Valientes MLV. Noong Agosto ay kinilala ng Games and Amusements Board (GAB) ang NBL bilang isang ganap na ligang propesyonal at ito ang naging isa sa mga susi ng kanilang pagbalik sa aksyon.





Comments