Buwayang Bato matikas sa PHILRACOM-RBHS
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | February 14, 2022
Ipinakita ni Buwayang Bato ang kanyang husay sa karera matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado.
Kumaskas sa unahan ang matulin na si Hook The Hustler paglabas ng aparato pero hindi siya hinayaan ni Buwayang Bato na makalayo. Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jessie Guce, binuntutan muna ni Buwayang Bato ang nauunang si Hook The Hustler na may lamang na dalawang kabayo papasok ng far turn. Nagkapanabayan sina Buwayang Bato at Hook The Hustler papalapit sa huling kurbada pero sa rektahan ay tuluyan nang kinuha ng winning horse ang unahan. Nilista ni Buwayang Bato ang tiyempong 1:26.4 minuto sa 1,400 meter race, nagwagi ito ng may tatlong kabayo ang distansiya sa nasegundong Hook The Hustler. Kinubra ni Buwayang Bato ang added prize na P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. Terserong dumating sa meta si Smart Bell habang pumang-apat si Created. Samantala, nagwagi si Antique Collector sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa unang karera. Nirehistro ni Antique Collector ang 1:26.4 sa 1,400 meter race.





Comments