top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Butler at Adebayo, mainit sa Heat; Siakam, 40 puntos sa Raptors

BULGAR
Mar 30, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 30, 2022




Nag-iisa muli ang Miami Heat sa taas ng NBA Eastern Conference matapos ang 123-100 panalo sa bisitang Sacramento Kings kahapon mula sa FTX Arena. Hindi nakasabay ang dating kapwa numero uno na Boston Celtics at nagwagi sa kanila ang Toronto Raptors sa overtime, 115-112.

Naitala ng Kings ang unang 9 na puntos ng laro subalit hanggang doon lang ang nakaya nila at bumuhos ang opensa ng Miami at putulin ang apat na sunod na talo para sa kartadang 48-28. Bumida sa Heat sina Jimmy Butler na may 27 puntos at Bam Adebayo na may 22 puntos at 15 rebound habang pumukol ng apat na tres si reserba Tyler Herro para sa 20 puntos.

Walang kabang ipinasok ni Gary Trent Jr. ang dalawang free throw na may 14 segundo nalalabi sa overtime upang gawing tatlo ang lamang ng Raptors, 115-112, at nagmintis ang 3-points nina Marcus Smart at Grant Williams upang manatili ang resulta. Gumawa ng 40 puntos at 13 rebound si Pascal Siakam at tumibay ang lagay ng Toronto sa ika-anim na puwesto sa East na may 43-32 panalo-talo at umiwas sa Play-In Tournament.

Sabay lumiban sina Jayson Tatum at Jaylen Brown upang ipahinga ang parehong masakit na tuhod at tumumba ang Celtics mula sa numero uno sa pang-apat sa East. Noong Enero 7, lugmok ang Boston sa ika-11 puwesto sa kartadang 18-21 subalit mula roon ay 39-8 sila kasama ang talo sa Toronto.

Isang panalo na lang ang kailangan ng Memphis Grizzlies upang masemento ang ikalawang pinakamataas na kartada sa buong NBA matapos tambakan ang Golden State Warriors, 123-95, sa likod ng 16 ng 22 puntos ni Desmond Bane sa second half at tig-21 puntos nina Dillon Brooks at reserba De’Anthony Melton. Pinalabas sa laro si Coach Steve Kerr ng Warriors matapos makipagtalo sa reperi kasabay ng pagwakas ng first half at lamang ang Grizzlies, 63-37.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page