Bus operators ng libreng sakay, humihirit ng dagdag-bayad, kaya pa ba?
ni Ryan Sison - @Boses | July 25, 2022
Humihirit ng dagdag-singil sa gobyerno ang mga operator ng bus sa EDSA carousel na nagbibigay ng libreng sakay.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), dalawang consortia na tumatakbo sa EDSA runway ang umaalma para sa dagdag-bayad ng kanilang libreng sakay sa gitna ng pagtaas ng presyo ng diesel.
Iminungkahi umano ng mga bus operators na itaas ang bayad sa kanila base sa layo ng pasada ng bawat bus.
Matatandaang kamakailan, iginiit ng LTFRB na nagbayad na ang gobyerno ng P659 milyon sa mga bus operators para sa 10 linggo na libreng sakay sa EDSA.
Unang inihayag ng gobyerno na gumagastos sila ng P74 milyon hanggang P79 milyon kada linggo para sa libreng sakay sa EDSA.
Bagama’t naunawaan nating malaking pondo ang inilalaan ng gobyerno para sa libreng sakay, kung hindi mapagbibigyan ang hiling ng mga bus operators na dagdag-bayad, posibleng magbawas ng ide-deploy na bus ang mga operator. Ang ending, lalong kukulangin ang mga sakayan at dagdag-hirap na naman sa mga komyuter. Bagay na kailangang agapan upang hindi na madagdagan ang problema sa transportasyon.
Kaya pakiusap sa gobyerno, pag-aralang mabuti kung kakayanin pang magbigay ng karagdagang bayad sa mga bus operators.
Maganda ang layunin ng libreng sakay dahil maraming nakikinabang, pero habang ipinagpapatuloy ang programa, sana’y manatili ang win-win situation sa mga operators at pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments