Buong mundo umaaray sa taas-presyo, ‘Pinas, kailangang magdoble-kayod
@Editorial | November 15, 2022
Sa pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Cambodia, nakausap niya ang ibang lider ng bansa at nagkasundo sa pagtutulungan sa pagharap sa mga karaniwang isyu.
Kaugnay nito, nalaman umano niyang hindi lang sa Pilipinas ang isyu ng mataas na presyo ng mga bilihin, kasama na ang mga produktong-petrolyo, gayundin ang kakulangan sa suplay ng pagkain.
Napag-usapan din umano ang hirap sa epekto ng mataas na inflation at ang pagbangon sa pandemya.
Kung magtutulungan ang bawat bansa sa pagharap sa mga problema, magiging mas mabilis ang pagbangon.
Napakayaman sa kalikasan at lakas-paggawa ang mga bansa sa Southeast Asia. Hindi imposibleng makabalik sa pre-pandemic situation ang ekonomiya ng bawat isa.
Kung mapapanatili ang magandang ugnayan at paglaban sa mga katiwalian at ilegal na gawain, tiyak na mas madali ang lahat.
Tayo naman sa ‘Pinas, kailangang doblehin pa ang kayod. Habaan ang pasensya at dagdagan ang pagsisikap.
Nananawagan din tayo sa mga nasa gobyerno na maging mas matatag, tapat at matalino sa pagpapatakbo ng ating bayan. Marami pang pagsubok na puwedeng dumating, nawa’y manatili kayong matibay na sandalan ng mamamayan.
Higit sa lahat, magiging mas madali sana ang laban sa pandemya at krisis kung walang nakakapasok na bulok sa sistema.
Wala na sanang abusado sa puwesto. Ito ang isa sa matinding hamon, ang linisin ang pamahalaan mula sa mga korup at hayok sa kapangyarihan.



Comments