Bumoto raw nang tama… NADINE: ‘DI DAPAT NABIBILI ANG BOTO
- BULGAR
- May 12
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | May 12, 2025
Photo: Nadine Lustre - IG
Naglabas ng isang mahabang saloobin si Nadine Lustre tungkol sa estado ng ating bansa kasabay ang pakiusap na bumoto nang tama at tapat ngayong araw ng eleksiyon, May 12.
Sa kanyang Instagram (IG) account, ipinahayag ng aktres na naniniwala siya sa kahalagahan ng eleksiyon at kung paanong kaya ng ating mga boto na baguhin ang direksiyon ng ating bansa.
“Matagal ko nang iniisip kung gaano kalaki ang pagbabagong maaaring dalhin ng eleksiyon sa susunod na araw. Isang boto lang mula sa bawat isa sa atin - pero ‘pag pinagsama-sama, puwede nitong itulak ang bansa sa panibagong direksiyon,” simula ni Nadine.
“Isa itong bihirang pagkakataon. ‘Wag sana nating sayangin,” patuloy niya.
Kasunod nito ay nakiusap si Nadine sa mamamayan na pag-isipang mabuti kung sino ang ating iluluklok sa posisyon.
“Ang pakiusap ko at sana ‘wag masamain - pag-isipan nating mabuti ang iboboto natin. ‘Wag tayong papadala sa ganda ng salita, ningning ng campaign ads at pagpapakitang tao ng mga kandidato natin,” aniya.
Ipinahayag din ng aktres ang pagkadismaya sa kasalukuyang sistema na patuloy na sinasamantala ang kahirapan at binibili ang boto ng mga ito.
“Hindi dapat nabibili ang boto - pero sa bawat halagang iniaabot, may kinabukasang isinusuko. Hindi patas. Kaya sana po, kilatisin natin ang track record. Alamin kung sino talaga ang totoong naglilingkod, at sino lang ang nagpapabango ngayon dahil kailangan nila ng boto.
“Dahil ang totoo, hindi natin kailangan ng lider na magaling magsalita - kailangan natin ng lider na marunong makinig at tunay na may malasakit sa ating lahat,” aniya.
“Magkakaiba man tayo ng paniniwala at pinapaborang kandidato - normal lang ‘yun. Pero sa kabila ng lahat, huwag sana nating kalimutan: iisang bayan ang kinabibilangan natin. Iisang kinabukasan ang hinuhubog natin ngayon,” saad pa ng aktres.
Ipinahayag din ni Nadine ang pagmamahal niya sa Pilipinas at binigyang-diin na karapatan nating magkaroon ng maayos na sistema.
“Lagi akong nananalangin para sa kapwa kong Pilipino. Mahal ko ang Pilipinas, at alam kong karapat-dapat tayong lahat sa isang mas patas at maayos na sistema. Pero minsan, hindi ko rin maiwasang isipin - kaya siguro tayo paulit-ulit na nasa ganitong sitwasyon ay dahil paulit-ulit din nating pinipili ang parehong landas - kahit alam nating may mas maayos na daan. At bilang isang bayan, lahat tayo, may pananagutan,” anang aktres.
“Kung ikaw ay komportable sa kabila ng lahat ng nangyayari - sa taas ng bilihin, sa mga batas na hindi patas, sa sistemang hindi pantay - sana maisip mo rin ang mga taong hindi. ‘Yung mga araw-araw nagbabanat ng buto pero kulang pa rin ang kinikita. ‘Yung mga nawalan ng boses. ‘Yung mga matagal nang iniwan at kinalimutan ng sistema,” litanya pa ni Nadine.
Patuloy niya, “Pangarap ko na balang araw, hindi na lang ilang porsiyento ng lipunan ang maayos ang buhay. Na lahat tayo ay may dignidad, may pagkakataon, at may boses. Na ang Pilipinas ay para sa lahat - hindi lang para sa may kaya, kundi para rin sa mga matagal nang nakikibaka sa tahimik.”
Muli ay nakiusap si Nadine na bumoto nang tama para sa ating bansa at sa ating kinabukasan.
“Magsimula tayo sa isang boto. Sa isang desisyong tapat, bukas ang mata, at may puso para sa kapwa. Para sa kinabukasan. Para sa bayan. Para sa isa't isa.
“At kung darating man ang bagong bukas, sana hindi dahil sa suwerte - kundi dahil pinili nating lahat na lumaban para sa mas mabuting ngayon,” saad niya.
Ang nasabing post ay pinusuan ng daang-libong netizens at umani nang katakut-takot na positibong reaksiyon.
Comments