top of page

Bumoto mula sa konsensya

  • BULGAR
  • May 9, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | May 9, 2022


‘ETO na, election day na.


Bumoto po tayo mula sa konsensya.


◘◘◘


WALANG mali sa inyong iboboto kung ito ay personal ninyong desisyon.


Mali lamang ang pagpili ninyo, kapag may nag-impluwensiya sa inyo.


◘◘◘


KAHIT ang mga magulang ay hindi dapat dinidiktahan ang kanilang mga anak kung sino ang iboboto.

Sa madaling salita, huwag ipagpalit sa salapi, material o anumang pabor ang inyong boto.


Ang marka sa balota, ay siyang magiging marka ng iyong buhay sa susunod na anim na taon.


◘◘◘


HUWAG maniniwala sa negatibong impormasyon nang hindi ninyo personal na sinasaliksik gamit ang teknolohiya at panayam nang personal sa mga may aktuwal na karanasan.


Huwag maniwala sa mga lider ng sekta at relihiyon kung sino ang iboboto, simpleng nagrerekomenda lamang sila ng “personal nilang choice”.


◘◘◘


ANG talamak na korupsiyon ay nag-uugat mula sa ibinentang boto ng mga mamamayan.


Ang nagwawagi sa eleksyon ay nakasandal lamang kung sino ang may pinakamalaking budget sa eleksyon.


◘◘◘


NAGWAWAGI ang mga opisyal ng gobyerno sapagkat gumamit ng malaking cash ang winning candidate.


Pero, ang mga cash na ito ay mula sa illegal, immoral at dinambong sa pamahalaan.


◘◘◘


LAGANAP ang vote buying sa buong bansa, aminado ang Comelec na wala silang kakayahan na sugpuin ito.

Ito ay dahil ang mga “nagbebenta” ay co-criminal din ng mga namimili ng boto.


Paano mo kakasuhan ang isang criminal kung nagkukusa ang biktima na maging biktima?


◘◘◘


ANG biktima ng krimen sa vote buying ay hindi ang mga mamamayang mismong nagbebenta, bagkus ay ang mismong Republika ng Pilipinas.


Ang biktima ay ang inyong anak mismo, dahil masisira ang kanilang kapalaran sa palpak na lider na utak ng pagbili ng boto.


◘◘◘


IMBES na sisihin ang Comelec at mga awtoridad, saklolohan sila na magkaroon ng malinis, maayos at ligtas na halalan sa araw na ito.

Ang katatagan at pag-unlad ng ating bansa ay nakasalalay ngayong araw na ito sa kamay ng higit sa 70 milyong botante.


Isa ka sa may hawak ng isang pipit sa loob ng iyong kamao — kung papatayin mo ang pipit o pakakawalan ito upang makatikim ng kalayaan at magdurugtong sa kanyang buhay ay nakasalalay sa iyong kamay sa araw na ito, Lunes, araw ng halalan.


◘◘◘


BUMOTO ayon sa iyong konsensya.


Walang nakakasilip kung sino ang iyong imamarka, ikaw lamang at ang Dakilang Lumikha.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page