Bumoboto ng trapo, 'wag magreklamo kung bakit mahirap pa rin
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 13, 2022
MGA BUMOBOTO NG TRAPO, HUWAG MAGREKLAMONG MAHIRAP, DAHIL TRAPO ANG IBINOTO – Kapag may inilalabas na resulta ang mga survey firms sa mga senatoriables, laging pasok sa top 12 ang mga traditional politicians (trapo).
Ang kapuna-puna sa resulta ng survey ay mga mahihirap o mga nasa "Class D" at "Class E" ang bumoboto sa mga trapo.
Kung totoo ang resulta ng mga survey na ito, ay ibig sabihin n'yan ay gusto talaga ng mga mahihirap na ang iniluluklok sa trono ay mga trapo.
Aba'y kung ganyan na laging mga trapo ang gustong iluklok sa puwesto ng mga mahihirap, ay huwag silang laging nagrereklamo kung bakit sila ay mahirap, kasi nga ang ibinoboto nila ay mga trapo na ang ugali ay magpayaman sa puwesto at walang paki sa mga poor, boom!
◘◘◘
MAS MAKATOTOHANAN ANG DAGDAG-SUWELDONG PROMISE KAYSA PABABAIN ANG SINGIL SA KURYENTE – May mga kandidato sa national position na ang ipinapangako sa mamamayan ay pabababain daw ang singil sa konsumo ng kuryente.
Dapat ang ipangako ay dagdag-suweldo, hindi pagpapababa sa singil sa kuryente kasi sa totoo lang, sa panahon ngayon, imposibleng bumaba ang singil sa kuryente.
'Ika nga, mas makatotohanan ang dagdag-suweldo kaysa sa promise na pagpapababa sa singil sa kuryente, kasi sa dagdag-suweldo ay napatunayan na iyan sa Salary Standardization Law ni yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino at sa dobladong suweldo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo at pulis, pero sa panahon ni P-Noy at sa panahon ngayon ni P-Duterte, never nilang nagawang pababain ang singil sa konsumo ng kuryente, period!
◘◘◘
DAHIL HINDI NAPABABA NI ENRILE ANG KURYENTE NOONG YEAR 2010, TALO NA ANG INABOT NIYA NOONG 2019 ELECTION – Kung inyong matatandaan, noong 2010 senatorial election ay ang nagpanalo kay dating Sen. Juan Ponce Enrile ay ang slogan niyang "Gusto ko happy ka" na ang tema ay pabababain daw niya ang singil sa kuryente, pero ang masaklap imbes bumaba ay lalong tumaas ang singil sa kuryente.
Akala siguro ni Enrile ay nalimutan na ng mga botante ang pang-uunggoy niya, kaya nang tumakbo uli siya sa pagka-senador noong 2019 election at gamitin uli ang slogan niyang "Gusto ko happy ka", talo na ang inabot niya kasi ibinasura na siya ng mga botante, boom!
◘◘◘
GULUNG-GULO NA NAMAN ANG ISIP NG MGA DDS KASI AKALA NILA SA RUSSIA KAKAMPI SI P-DUTERTE, HINDI PALA, SA US PALA KAKAMPI ANG PRESIDENTE – Sabi ni P-Duterte, handa raw niyang ipagamit ang mga pasilidad ng Pilipinas sa Amerika sakaling masangkot ito sa giyera ng Russia at Ukraine, at ang digmaan ay umabot sa Asya.
Siguro, gulung-gulong na naman ang isip ng mga DDS (Duterte Diehard Supporters) kasi hate nila ang United States (US) at kampi sila sa Russia dahil idol ni P-Duterte si Russian Pres. Vladimir Putin, tapos mababalitaan nila na sa US pala kakampi si P-Duterte at hindi sa Russia kapag naggiyera ang dalawang bansang ito, period!





Comments