Bumanat ang lakas ng Cignal sa Game 1 Semis
ni Gerard Arce - @Sports | April 2, 2022

Nakuha ng Cignal HD Spikers ang unang panalo sa best-of-three semifinals series kontra sa Petro Gazz Angels sa bisa ng 3-0 sweep matapos ang dikdikang mga laro na nagtapos sa 25-21, 25-23, 25-23 kahapon, sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Fil-Oil Flying V sa San Juan City.
Naging balanse ang isinagawang atake ng HD Spikers na natakasan ang bawat set na naghahabol sa kalamangan upang mapahaba pa ang kanilang winning streak sa anim sapol noong elimination round. Kumamada si Ria Meneses ng 14pts (11 attacks, 3 blocks), Rachel Ann Daquis sa 11pts at 4 na excellent receptions, Ces Molina sa 10pts, 12 excellent receptions at 10 excellent digs, at si Roselyn Doria na may 10pts.
“Inexpect talaga namin na talagang pukpukan ang laban, so thank you kay Lord kase binigay sa amin yung panalo. Sobrang na-enjoy ko syang panoorin kahit na nagco-coach ako kase grabe yung laban at ayaw magpatalo ng isa’t isa kaya nakaka-proud yung team namin kase nasunod yung game plans at talagang nag-all out specially sa end game,” pahayag ni HD spikers head coach Shaq Delos Santos.
Naging malaking bagay naman para sa dating San Beda lady spiker na si Molina sa nakuhang panalo kontra Angels dahil alam nito ang sistema at laro ng dating kakampi. Nanggaling noong isang taon ang 27-anyos na tubong Nueva Ecija na tinulungan niyang makakuha ng third place finish.
“Pumunta kami dito sa game na prepared talaga kase hindi naman yun ibibigay basta-basta ng Petro Gazz kase alam naman natin na lagi silang nasa championship kaya malaking bagay sa amin na makuha yung Game 1 para magkaroon kami ng momentum para sa Game two namin,” wika ni Molina. “Special sa akin itong laro na ito dahil talagang kailangan manalo naming dito dahil may pride ako sa sarili na talunin 'yung dati mong team.”
Nagtapos naman sa 14pts si Aiza Pontillas, kaantabay ang 12 excellent digs at 6 na excellent receptions. Nag-ambag naman ng 11pts si Gretchel Soltones.





Comments