Bulag, bingi at pipi na ba ang LGUs?
- BULGAR
- Jul 17, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | July 17, 2022
BUMABAHA nang todo ang mga bayan sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Bulacan.
Walang solusyon dito dahil ang “high tide” ang nagpapabaha kahit umulan lamang nang bahagya.
Paano pa kapag nag-“siyam-siyam”?
◘◘◘
KABILANG ang mga bayang nakararanas nang walang solusyong baha ay ang Obando, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Malolos, Guiguinto, Hagonoy at Calumpit.
Imbes na masolusyunan, inaasahang gagrabe ito nang todo dahil sa pagtatambak sa ipinagyayabang na Bulacan Airport sa Bulacan, Bulacan.
◘◘◘
ANG Bulacan Airport ay magpapabago ng landscape sa lalawigan dahil ang mga palaisdaan na karatig nito sa Malolos at Hagonoy ay pinapakyaw na rin ng mga real estate developer.
Ang buong dalampasigan ng Manila Bay na sakop ng Bulacan ay pinapakyaw upang tambakan ng lupa at gawing “Bulacan Aero City”.
◘◘◘
ANG tatambakang lupain ay pinapakyaw kung saan mababawasan nang malaki ang bukirin at palaisdaan na pinagkikikitaan ng mga magsasaka sa mangingisda.
Walang LGU executive na kumokontra dahil sa lihim na dahilan.
◘◘◘
BUMABAHA ng salapi sa nakaraang eleksyon sa Bulacan — at malaki ang posibilidad na ang salaping ginamit sa kampanya — ay siyang “tunay na ugat” kung bakit walang nangangahas na kontrahin ang Bulacan Airport.
Isisisi ng mga Bulakenyo ang pagbahang walang solusyon sa Inang Kalikasan, imbes na isisi sa mga LGU executives na yumuyukod sa “bagong Panginoon” sa lalawigan.
◘◘◘
NABAHAG na rin ng buntot ang sinasabing “Dugo ng mga Katipunero” dahil walang kumokontra sa Bulacan Airport kahit alam nilang ito ang sanhi ng “kalamidad sa paglubog sa baha” ng kanilang mga ari-arian.
Saan napunta ang kukote ng mga Bulakenyo?
◘◘◘
MARAMI ang lihim na natuwa nang ibasura ni Pangulong Marcos ang isinusulong na Bulacan Ecozone, kung saan ang mga buwitreng negosyanteng magtatambak at magpapabaha sa Bulacan ay hindi pagbabayarin ng buwis.
Ang mga buwitreng negosyante ay wala ring malinaw na proposal o plano kung paano mababayaran ng maayos at sapat ang mga lupaing masasakop ng kanilang negosyo.
◘◘◘
NAKAPAGTATAKANG bulag, pipi at bingi hindi lang ang mga LGU executives, bagkus ay maging ang ordinaryong tao na nabobola sa “hilaw na pangako” ng kaunlaran.
Nasaan ang mga sinasabing “Apo ng mga Rebolusyunaryong” naging bahagi ng pagtatag ng Malolos Republika.
Hindi tabak ang kanilang hawak ngayon, bagkus ay kumikinang na paldo-paldong polymer banknotes na hindi pwedeng tiklupin at dumihan mula sa mga bagong “dayuhan” sa lalawigan.








Comments