Bukod sa namudmod ng groceries, laptop, cash, etc… IVANA, NAG-DONATE NG TIG-P50 K SA MGA MAYSAKIT
- BULGAR
- 2 hours ago
- 3 min read
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 13, 2025
Photo: Ivana Alawi - YT
Patuloy ang pagiging good Samaritan ng top influencer-actress na si Ivana Alawi sa pagse-share ng kanyang mga blessings sa mga nangangailangan.
Bukod sa pamimigay niya ng bigas, groceries, cellphones, tablets, laptop, at cash na ayuda, dumalaw din siya sa ilang government hospitals upang magbigay ng medical assistance sa mga pasyente.
Nagbigay siya ng P50,000 sa bawat pasyente na nangangailangan ng gamot at pambayad sa operasyon.
Ang ganitong charity work ay regular na ginagawa ni Ivana bilang bahagi ng kanyang pasasalamat sa mga natatanggap niyang biyaya.
Kaya naman, napapa-“Sana all” na lang ang kanyang mga natutulungan. Bibihira sa mga celebrities ngayon ang tumutulong sa mga kapuspalad. Ang ilang mayayamang artista ay todo-display lang ng kanilang collection ng luxury bags, alahas, cars at panay ang travel abroad.
Kahit sa panahon ng kalamidad ay iilan lang ang dumaramay sa mga nasalanta, pero si Ivana ay consistent sa kanyang pagtulong.
Kaya naman, kahit na anong intriga at kontrobersiya ang ibinabato kay Ivana Alawi ay hindi naaapektuhan ang kanyang career. Ang natatandaan at nagmamarka sa lahat ay ang ginagawa niyang pagtulong sa mahihirap.
Maraming kasamahang artista ang nakikiramay at nakikisimpatya ngayon kay Rufa Mae Quinto sa pagpanaw ng kanyang mister na si Trevor Magallanes.
Biyuda na ngayon ang sexy comedienne at ang tanging nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob ay ang kanyang unica hija na si Athena.
Bagama’t naghiwalay sila ni Trevor, walang sinuman sa kanila ang nag-file ng annulment. Dito sa ‘Pinas sila nagpakasal ni Trevor.
Nasa bansa ang aktres nang ibinalita sa kanya ang pagpanaw ng kanyang mister kaya agad siyang bumalik sa USA kasama ang anak na si Athena.
Well, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang lahat sa official statement ni Rufa Mae at ng pamilya ni Trevor Magallanes sa tunay na dahilan ng pagkamatay nito.
Una nang humiling si Rufa Mae ng privacy para sa kanilang pagluluksa sa pagpanaw ng kanyang mister, alang-alang na rin sa kanyang anak.
Pero, marami pa ring lumulutang na kuwento sa tunay na istorya, ganoon din sa ilang isyu sa pera na naiwan ni Trevor Magallanes.
May bali-balita rin na ang bahay at mga sasakyan na naiwan ni Trevor ay sa kanyang anak na si Athena mapupunta at may parte na ido-donate niya sa charity.
Ganunpaman, walang reaksiyon dito ang kampo ni Rufa Mae. Sa panahon ng kanyang pag-aartista, kahit papaano ay nakaipon at nakapagpundar naman siya. In fact, napag-aral niya sa kolehiyo ang kanyang mga kapatid at mga pamangkin kaya maganda ang naging buhay ng mga ito.
Karamihan sa kanila ay nasa USA na at nasa ibang bansa ang iba. ‘Yun ang malaking naitulong ni Rufa Mae Quinto sa kanyang pamilya. At no regrets siya sa buhay kahit hindi naging masaya ang kanyang married life.
NAPAKASUWERTE ni Shaira Diaz dahil sa maikling panahon na naging bahagi siya ng programang Unang Hirit (UH) ng GMA-7 ay agad siyang minahal ng lahat ng mga hosts ng show tulad nina Arnold Clavio, Susan Enriquez, Suzie Entrata-Abrera, Lyn Ching-Pascual, Connie Sison at Ivan Mayrina.
Napaka-humble, simple at down-to-earth kasi ni Shaira at siya ang “Sunshine Girl” ng UH.
Ang gaan-gaan ding katrabaho at game sa lahat ng assignments na ipinagagawa sa kanya.
Kaya naman, lahat ng UH hosts ay natutuwa sa kanilang pagpapakasal ng kanyang longtime BF na si Edgar Allan Guzman. Binigyan pa sila ng UH ng napakabonggang pre-wedding celebration, ang despedida de soltera sa mismong show.
May natanggap din silang regalo mula sa mga hosts ng UH.
Ganoon kamahal ng UH si Shaira Diaz at hindi ito malilimutan ng bride-to-be.
Ilang araw na lang at ganap nang Mrs. Guzman si Shaira Diaz. Tiyak na mami-miss siya ng mga viewers kapag pansamantalang nag-leave sa UH pagkatapos ng kanilang kasal ni EA.
‘Di lang wais kaya never yumaman…
JANICE, UMAMING NAGING KABIT NG PULITIKO, MILITAR, AKTOR AT BUSINESSMAN
MARAMI ang nagulat nang diretsahang aminin ng dating sexy star na si Janice Jurado na naging mistress siya ng ilang sikat na personalidad. May pulitiko, may military man, may popular na aktor, businessman atbp..
Kakaiba siyang klase ng mistress dahil hindi niya inaagaw ang mister ng iba, nakikihati lang siya sa panahon at pagmamahal ng mga lalaking naugnay sa kanyang buhay.
Pero marami ang nagsasabing hindi wise at hindi materyosa (materialistic) si Janice. Kung ginusto lang niya ay mayaman na sana siya ngayon dahil puro rich ang mga lalaking kanyang nakarelasyon.
Pero ni hindi nga siya nagkaroon ng sariling bahay at kotse, hindi umangat ang kanyang buhay dahil hindi siya nagsamantala.
Nang magka-breast cancer siya ay kung kani-kaninong artista siya lumapit para humingi ng medical assistance.
Isang malaking himala na naka-survive si Janice sa kanyang sakit.
Well, madiskarte siya sa buhay at napakasipag kaya hanggang ngayon ay nakaka-survive siya sa mga hamon ng buhay kahit madalang ang projects. Maraming artista ang patuloy na tumutulong sa kanya dahil marunong siyang makisama.
Comments