top of page

Bukod sa 13th month pay, ‘bonus’, dagdag-pag-asa sa mga manggagawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 21
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 21, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang hinaing ng mga manggagawa ang kakarampot na sahod na halos hindi makasabay sa taas ng mga bilihin at bayarin. Habang lagi ring umaasa na makatanggap man lang ng malaki-laking 13th month pay tuwing Disyembre o katapusan ng taon. 


Kaya’t ang panukalang 14th month pay para sa mga empleyado ng pribadong sektor ay isang hiling na matagal nang inaasam na matupad, dahil dagdag na pag-asa ito sa mga manggagawang halos walang naiipon pagsapit ng Kapaskuhan. 


Sa ilalim ng House Bill 3808 na inakda ni TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza, ang 13th month pay ay dapat makuha tuwing Hunyo 24, at 14th month pay ay tuwing Disyembre 24 kada taon. Isang buwang sahod na maaaring magsilbing sandata sa taunang labanan ng mga mamimili kontra mataas na presyo ng Noche Buena at iba pang gastusin. 


Gayunman, hindi lahat ng kumpanya ay obligado. Nakasaad dito na maaaring hindi isama o magpa-exempt ang mga nalulugi, non-profit na bumagsak ng hindi bababa sa 40% ang kita sa loob ng dalawang taon, pati na rin ang mga trabahong may komisyon o boundary system, pero kailangang awtorisado ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Kung tutuusin, hindi ito bonus kundi maituturing nating karapatan. Isa itong dagdag na pag-asa upang makatawid ang manggagawa at pamilya mula sahod hanggang sa susunod na sahod, mula sa buwan ng Hunyo hanggang Disyembre.


Ayon kay Mendoza, mas motivated at mas produktibo ang empleyado kapag may sapat na sahod at maraming benepisyo. At totoo namang mas masarap pumasok sa trabaho kung alam mong may kinabukasang hindi puro utang at abono. 


Sa bansang kung saan halos hindi na makatawid ang karaniwang empleyado sa gitna ng inflation, tama lamang na mabigyan sila ng dagdag na suporta. 


Sa totoo lang, ang ‘bonus’ na ito ay hindi luho, ito’y pantay na pagbabalik sa pawis at pagod na ibinubuhos ng mga manggagawa araw-araw. 


Hindi dapat tingnan ang 14th month pay bilang pabor, kundi bilang puhunan sa masiglang ekonomiya. Kung mas may kita ang mga empleyado, mas gumagalaw ang negosyo, magiging mas masaya ang pamilya, at mas buo ang lipunan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page