Bukod pa sa sandamakmak na pampremyo… Instant milyunaryo, 2 kotse, wagi sa ‘Amazing Pamasko ni Pogi’
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 21, 2022
Dobleng saya ang naging hatid ng dalawang magkasunod na araw nang isagawa natin ang ‘Amazing Pamasko Ni Pogi’, kung saan isa ang nanalo ng P1 milyon, dalawa ang nanalo ng bagong kotse at sandamakmak na premyo pa ang ating naipamahagi.
Disyembre 17, Sabado ganap na alas-4: 00 ng hapon ay bahagyang nagkaaberya ang signal, kaya medyo naantala ang pagsisimula nang isinagawa nating programa na napanod ng live sa ating Facebook account na
Ngunit makaraan ang ilang sandali ay nagtuluy-tuloy na ang ating ‘Amazing Pamasko Ni Pogi’ na inabot ng halos isang milyon ang reach na lahat ay nag-enjoy sa ating mga palaro, tulad ng Amazing Roleta, Agimatizer, Comment Picker, Tanong ni Pogi Trivia Game, Lucky Dice ni Pogi, Letra o Pera (Medyas Edition) Amazing Pachinko, Letra o Pera (Helmet Edition) Amazing Dart ni Pogi.
Sa unang araw pa lamang ay napakarami nang nanalo ng P1,000 sa Agimatizer/Randomizer na nagmula sa mga nagparehistro sa Google form na umabot sa mahigit 92,000 at ang iba naman ay nagmula sa mga nag-comment lamang sa gitna ng programa.
Bago matapos ang programa ay muli pinagana ang Agimatizer/Randomizer at dalawang pangalan ang dapat mananalo ng kotse, ngunit dahil sa hindi sumasagot sa tawag ay nagpasya na lamang tayong bigyan ng consolation prize na tig-P20,000 bawat isa.
Sa huli ay muling umikot ang Randomizer at isang Arlean Lourdes Sanqui Cuison ng Block 1, Lot 9 Villa Ceseni Subdivision, Camarin Road, Caloocan City ang mapalad na nanalo ng orange na brand new Suzuki S-Presso.
Hindi magkamayaw sa tuwa si Arlean Lourdes nang malaman niyang nanalo siya ng bagong kotse, na aniya’y magagamit niya sa pagsisimula ng bagong hanapbuhay.
Ito rin ang naging hudyat kaya nagtapos ang unang araw ng ating programa at kinabukasan— Linggo, muli ay nagsimula ang ating programa at kasama pa rin natin bilang host ang ating maybahay na si Congresswoman Lani Mercado-Revilla at ilan sa aming mga anak.
Sa loob ng dalawang araw ay umabot sa 5 motorsiklo ang ating naipamahagi sa mga nanalo; sa Amazing Roleta naman ay 6 ang nanalo ng tig-P100,000; 600 katao din ang nanalo ng tig-P1,000 sa Agimatizer/Randomizer at 400 naman mula sa Comment Picker ang nagwagi din ng tig-P1,000.
Umabot din sa 34 katao ang nanalo sa Tanong Ni Pogi Trivia Game; 3 ang nanalo sa Lucky Dice Ni Pogi; 4 na umabot sa P100,000 ang nanalo sa Letra o Pera (Medyas Edition); 6 naman ang nanalo sa Amazing Pachinko; 4 sa Letra o Pera (Helmet Edition) at 6 na nanalo sa hanggang P100,000 sa Amazing Dart Ni Pogi.
Naging matagumpay din ang isa sa inabangan sa ating ‘Amazing Pamasko Ni Pogi’ na Dance Challenge, kung saan umabot sa 260 ang mga nag-submit ng entry sa solo category; nasa 104 ang couple category at umabot naman sa 90 grupo ang mga sumali sa group category.
Sa huli, tatlo ang nagwagi sa dance solo—una ay si Mark Calaque ng General Santos City na nanalo ng grand prize na P20,000, second prize ay Monica Rosales Soroan ng Trece Martires, Cavite na tumanggap ng P10,000, third prize na si Mary Jane Dumaraos ng Quezon City na nanalo ng P5,000 at 250 na tumanggap ng tig-P1,000 bilang consolation prize.
Sa dance couple ay nag-uwi ng P30,000 ang champion na si Ralph Alcantara at partner ng Misamis, Oriental, si Carol Bool at partner ng Batangas City naman ang sumegunda at nag-uwi ng P20,000 at P10,000 naman para sa third prize ay si Jessie Compahinay Aya ng Laguna at 100 naman ang tumanggap ng tig-P3,000 consolation prize.
Sa dance challenge group ay tumanggap ng P100,000 ang nagkampeon na Joliana Diane Group ng Misamis Oriental, tumanggap naman ng P50,000 bilang second prize ang Gerald Orlarte Thunder ng Misamis Occidental at P30,000 para sa Junior Elextro Groovers PH ng Quezon City na nakasungkit ng third prize at nasa 100 din ang binigyan ng consolation prize na tig-5,000 bawat isa.
Kasunod nito ay isang Cynthia Bernardino Gregorio ng 180 Infanta St., Anilao, Malolos, Bulacan ang nanalo naman ng isa pang pulang brand new Suzuki S-Presso na labis ding natuwa dahil sa kanyang pagkakapanalo.
Hindi pa humuhupa ang sitwasyon dahil sa pagkakapanalo ng ikalawang kotse ay nananalo naman ang isang Jovelyn Dela Cruz Nacion ng Tabayon, Banga, Aklan ng tumataginting na P1M na siyang pinakaaabangan sa buong programa.
Hindi matawaran ang napakasayang naranasan ng nanalo ng P1M na nagsabing gagamitin umano ang pera sa pagapagawa ng kanilang bahay.
Sa kabuuan ay umabot sa 1,532 ang ating napaligaya sa napakaraming lumahok sa ‘Amazing Pamasko Ni Pogi’ at tulad ng dati ay napakarami na naman ang humihiling na ulitin ang palagi niyang ginagawang pamamahagi.
Kahapon ay personal nating inihatid kay Arlean Lourdes sa Caloocan City ang napanalunan niyang sasakyan na sinuklian niya ng sobrang higpit ng kanyang pagkakayakap dahil sa tuwa.
Kasunod nito’y inihatid din natin ng personal kay Cynthia sa Malolos, Bulacan ang isa pang kotse na hindi rin mabayaran ang tuwang nararamdaman na labis nating ikinasaya dahil nakapagpaligaya tayo ng isa na naman nating kababayan.
Nakatakda naman tayong lumipad patungong Aklan para personal din nating ibigay ang P1M napanalunan ng isang tagaroon, sana marami pang pagkakataon na makapagbigay tayo ng saya!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments