Bukas na ang ‘Kap’s Amazing ang Pasko Giveaway’
- BULGAR
- Dec 22, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 22, 2021
Isang tulog na lang at magaganap na ang pinakahihintay nating lahat na ‘Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway’ na ilang panahon ding hinintay ng ating mga tagasuporta at tagasubaybay para tayo ay muling magkasama-sama ngayong Pasko.
Medyo natagalan bago nasundan ang muli nating pamamahagi dahil sa napakaraming aktibidades na ating tinutukan at isa na rito ay ang patuloy nating pamamahagi ng ayuda sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot nga ng pananatili ng pandemya.
Naging abala rin tayo sa ilang araw na paghahanda para mga kakailanganin ng ating mga kababayan sa noon ay paparating pa lamang na Bagyong Odette hanggang sa manalasa na nga at nakalulungkot na marami sa ating mga kababayan ang naapektuhan.
Kasalukuyan na tayong namamahagi ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng naturang bagyo, ngunit kailangan pa rin nating ituloy ang ating ‘giveaway’ para naman sa iba pa nating kababayan na hindi pa nakakabangon dulot ng pandemya.
Tinawag natin itong ‘Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway’ dahil isasagawa natin ito bilang pagdiriwang ng Pasko kung saan ay magkakasama-sama tayo kahit online lang upang lahat ay makasali kahit saang panig ka man ng bansa naroroon.
Bukas na ito isasagawa, Disyembre 23, ganap na alas-6: 00 ng gabi hanggang sa maipamahagi lahat ng inihanda naming regalo at cash basta tumutok lamang sa Facebook- Ramon Bong Revilla, Jr. ( https://facebook.com/bongrevillajrph/ ) at Youtube- Ramon Bong Revilla, Jr. Official Page ( https://www.youtube.com/c/BongRevillajrph/ ) at mapapanood ninyo ng live.
Abangan n’yo rin kung sinu-sino ang magdaratingang host na sasama sa atin buong programa na may mga inihanda ring pasabog para sa mas ikasasaya pa ng ating pamaskong handog para sa ating mga nag-aabang na kababayan.
Nagpapasalamat din nga pala tayo sa napakaraming lumahok sa ating ‘Amazing Ang Pasko Dance Challenge’ na dinagsa talaga ng ating mga kababayan na mahilig sumayaw, tulad ng magbabarkada, magkakaanak at ibang grupo na grabeng humataw sa sayaw.
Noong nakaraang linggo kasi ay nagkaroon tayo ng anunsiyo hinggil sa ‘Amazing Ang Pasko Dance Challenge’ dahil taun-taon naman natin itong isinasagawa at maging ang naging champion noong nakaraang taon ay pinayagan muli nating sumali basta bago lamang ang costume at dance number.
Ang challenge lamang sa dance competition na ito ay tanging ang musikang gagamitin sa pagsasayaw ng mga kalahok ay ang ating amazing music kung saan makikita nating kumakanta habang naka-Santa Claus na nilagyan nila ng sarili nilang dance move.
Sa kasalukuyan ay nirerepaso na ng ating staff ang ginawang video ng mga kalahok na sumasayaw sa Facebook gamit ang Amazing Ang Pasko Christmas Jingle na may #AmazingAngPasko sa caption ng kanilang video post at #BongRevilla.
Bukas ay isa-isa ninyong mapapanood ang mga maglalaban-laban at may mga eksperto sa sayawan ang mamamahala sa pagpili kung sino ang karapat-dapat na maging kampeon at mag-uuwi ng malaking halaga ng papremyo.
Mula nang inanunsiyo natin sa Facebook at sa pitak nating ito ang dance contest ay nagsimula nang magdatingan ang entry noon pang Disyembre 10 hanggang sa deadline na Disyembre 20 at bukas ay magkakaalam-alam na kung sino ang nanalo.
Isa lamang ang dance contest sa mga inaabangan dahil higit sa lahat ay mayroon pa rin tayong Nochebuenamizer at magsasagawa ng napakaraming raffle para sa mga pangalan ng nanood ng live at sa lahat ng nagbibigay ng comment habang naka-ere ang programa.
Hindi n’yo pa rin mami-miss ang mga dati nating pakulo tulad ng roleta, Agimat ng Agila Letra o Pera na napakarami nang nag-uwi ng malalaking premyo at napakarami pang karagdagang giveaway na isasagawa dahil pamaskong handog natin nga ito sa inyo.
May mga nakahanda tayong pa-premyo mula P10, 000, P20, 000, P50, 000 at tumataginting na P100, 000 para sa mga magwawagi at papalaring manonood ng live ng ating programa at santambak na tig-iisang libo pa ang ating ipamamahagi.
Noong mga nagdaang ‘giveaway’ ay marami sa ating mga kababayan ang sumaya at tiyak na mas marami bukas dahil sa madaragdagan pa ang cash at regalo dahil sa dami ng mga kaibigan at iba pang sponsor na nais tumulong para maging masaya ang Pasko.
Kung mapapansin ninyo ay Disyembre 23 ang pinili nating araw para bigyan ang marami nating kababayan ng kasiyahan upang isang araw bago ang bisperas ng Pasko ay magkaroon sila ng karagdagang panghanda sa mismong araw ng Pasko.
Sana kaya nating bigyan na lamang ang lahat para everybody happy, pero sadyang napakarami kaya idaraan na lamang natin sa raffle at contest para lahat ay magkaroon ng pantay-pantay na pagkakataong sumaya.
Kaya huwag nang magpatumpik-tumpik pa dahil bukas ala-6: 00 ng gabi ay may tsansang manalo ng walang puhunan, basta tumutok lang at tiyak na walang katalu-talo. Good luck!
Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments