Builders-UST at Adalem St.Clare agawan sa semis ng D-League
- BULGAR
- Aug 10, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 10, 2022

Paglalabanan ng Builders Warehouse-UST at Adalem Construction-St. Clare College ang nalalabing upuan sa semifinals ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup ngayong Miyerkules simula 11 a.m. sa Araneta Coliseum. Nananatiling ganado ang Tigers matapos ipilit ang knockout game sa bisa ng kanilang 98-93 panalo sa paboritong Saints noong Biyernes sa parehong palaruan.
Tiyak na mamarkahan muli ng depensa sina Kean Baclaan, Nic Cabanero at Sherwin Concepcion na malaki ang mga kontribusyon sa tagumpay. Bumomba ng 35 puntos si Baclaan, 25 kay Cabanero at double-double si Concepcion na 18 puntos at 13 rebound.
“Nagising na ang mga bata at ayaw na nila matalo,” wika ni Coach Albert Alocillo ng Builders Warehouse. “Kampeon ang St. Clare sa NAASCU kaya dapat hindi kami magpakampante.”
Walang duda na ang Builders Warehouse ang pinakamainit na koponan ngayon sa torneo at wagi sa kanilang huling apat na laro buhat noong elimination round. Subalit determinado ang Saints na bumawi.
Mayroong higit apat na minutong nalalabi nang matawagan ng kanyang ika-anim at huling foul si Josuha Fontanilla at nahirapan ang Adalem Construction sa pagkawala ng beteranong guwardiya. Maliban kay Fontanilla, inaasahan na aangatin lalo nina Johnsherick Estrada, John Edcel Rojas at Babacar Ndong ang kanilang laro.
Naghihintay para sa mananalo sa best-of-three semifinals ang EcoOil-De La Salle.
Nagtapos ng pangalawa ang Green Archers sa elimination na may 5-2 panalo-talo at pareho silang nanaig sa Saints at Tigers.
Ang kabilang serye ay sa pagitan ng numero unong Apex Fuel-San Sebastian at Marinerong Pilipino. Hindi nag-aksaya ng panahon ang Marinero at tinapos agad ang kampanya ng Centro Escolar University, 75-66, noong Biyernes upang itakda ang pagkikita nila sa Stags.
Comments