Buhay ng kabataan, buhay ng simbahan
- BULGAR
- Nov 28, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 28, 2021
Setyembre 1983 nang dumating ang apat na paring Pinoy sa Roma. Kasama natin si Fr. Melchor Montalbo mula sa Arkidiosesis ng Maynila. Ang dalawa namang kasama namin ay sina Fr.Robinson Montalba at Fr. Salvador Banga mula Mindanao. Batang-bata pa kami noon.
Punung-puno ng pangarap at sigla para sa paglilingkod sa Diyos at sa Bayan. Oo, napakabata ko pa noon sa edad na 28. Bukas at handang-handang harapin ang anumang hamon para paglingkuran ang Diyos at ang kapwa.
Ngayong halos apat na dekada na tayong pari, tinitingnan at sinusuri natin ang kalagayan ng Inang-Simbahan. Sa kabila ng unti-unting pagtanda, hindi pa nawawala ang kahandaang tumugon sa mga hamon ng kasalukuyang panahon.
Isa sa mga unang ginawa naming mga bagong dating sa Roma ay ang mamasyal sa mga kilalang simbahan doob. Siyempre, pinaka-unang dinalaw namin ay ang St. Peter’s Basilica kung saan nagmimisa ang Papa at nagbibigay ng kanyang regular na mensahe at basbas tuwing Miyerkules.
Pagpasok namin sa napakalaking simbahan, napanganga na lang kami sa aming nakita.
Kahanga-hanga at kagulat-gulat ang mga dambuhalang istatwa ng mga santo at poste na bumubuhat ng napakalawak na bubungan ng pinakamahabang Simbahang-Katolika sa buong mundo. At sa pagpapatuloy ng aming paglalakad, napansin namin ang isang bagay na paulit-ulit naming makikita sa anumang simbahan na dalawin namin. Wala halos kaming nakikitang Italyano o Europeo na nasa loob ng simbahan, bagkus ay turistang Hapon at Koreano ang nakikita naming naglalakad at kuha nang kuha ng mga litrato.
At may magpapaliwanag sa akin kung bakit ganun ang sitwasyon ng mga simbahan sa Roma.
Tumatanda na ang mga Katoliko sa Roma at kakaunti na ang kabataang interesado sa pagiging aktibo sa simbahan, tila hindi natutukan at naalalayan ang kabataang Romano, samantalang tumatanda naman ang mga aktibong miyembro ng simbahan.
Kapansin-pansin sa maraming simbahan ang pagtanda ng mga pamayanan. Bagama’t naririyan pa ang mga aktibong kabataan, nakasalalay ang patuloy na pagyabong ng sektor ng kabataan sa interes at suporta para sa mga ito ng pari at ng konseho-pastoral.
Kaya’t ito ang isa sa mga isinusulong ng LakaRun 500 na ngayon ay nakapaghatid at tanim na ng ika-15 Pilgrim-Mission Cross noong Biyernes.
Ganap na ika-9 ng umaga nang dumating sa St. Jude Tadeus parish sa Sampaloc, Tanay mula Our Lady of Perpetual Help sa Project 8 ang aming munting grupo ng volunteers para sa LakaRun 500. Sinalubong kami ng kabataan mula sa St. Jude Tadeus parish at San Ildefonso de Toledo Parish ng Tanay, Rizal. Nagbigay tayo ng maikling paliwanag hinggil sa LakaRun 500 at ang kahalagahan nito para sa kinabukasan ng Simbahan.
Sinariwa natin sa kabataan ang limang elemento ng LakaRun 500: 1) Ang kahalagahan ng literal at pisikal na paglalakad muli ng lahat para sa pagpapalaganap ng pananampalataya; 2) Ang kahalagahan ng paglalakad kasama ng kabataan; 3) Ang kahalagahan ng pagtatanim ng katutubong puno; 4) Ang kahalagahan ng pagsisindi ng kandila ng katotohanan; 5) Ang kahalagahan ng pagtataya at pagtupad ng limang pananagutan.
Pagkatapos ng maikling panayam, buong sigla na naggayak ang lahat upang maglakad patungong Regina Rica, ang kilalang “pilgrimage site” o banal na lugar dalanginan ng mga peregrinong Pilipino. Nakatutuwang tingnan ang halos 30 kabataang naglalakad, nagdarasal at nagkukuwentuhan papunta sa Regina Rica. Naghihintay na sa amin si Fr. Jun Suriben nang dumating kami sa simbahan ng Regina Rica. Pinakiusapan ako ni Fr. Jun na magmisa at magbigay ng omeliya. At ito na nga ang nangyari.
Nang humarap ako sa mga peregrine, natuwa ako at marami sa mga ito ay kabataan, samantalang ang kabataang naglakad na kasama ko ay umupo sa pangalawang palapag sa likuran ng simbahan. Ipinaliwanag ko rin sa mga nagsisimba ang mahalagang hamon ng pandemya sa gitna ng kadiliman, kamatayan, kahirapan at tukso ng pagkawala at panghihina ng pananampalataya. Binanggit ko ang naging kakaibang buhay ni Santa Madre Teresa ng Kolkata.
Sa buong buhay niya, naranasan niya ang kadiliman, ang pawang nawawala at nagtatagong Diyos. Subalit sa halip na manghina at mawalan ng pag-asa, tinanggap ito ng santa bilang espesyal na biyaya ng Diyos para sa kanya. Lubhang malungkot at mabigat ang buhay ngayong pandemya. At maaari nating ulit-ulitin ang panalangin ni Santa Madre Teresa ng Kolkata, “Come Be My Light Lord… Amidst the enduring darkness.” Nawa’y ikaw ang aking maging liwanag Panginoon sa gitna ng matagal at walang tila walang katapusang kadiliman.
Opo, madilim at mabigat ang buhay ngayong pandemya, ngunit buhay na buhay ang mga kabataang naririto--buhay na buhay ang simbahan dahil sa pinagsama-samang buhay ng kabataan at matatanda ng Inyong Mahal na Simbahan. Amen.




Comments